DAVAO CITY, LIDER NA SA 5TH DAY NG BATANG PINOY- MINDANAO LEG


TULUYANG inokupahan ng nagtatanggol na kampeon na Davao City ang liderato matapos ang ikalimang araw ng matinding kompetisyon habang nagtala ng impresibong panalo ang atleta ng Sto. Tomas sa Davao Del Norte sa athletics at Koronadal City sa archery sa idinaraos na 2019 Mindanao leg ng Batang Pinoy.
Dinomina ng Davao City ang swimming, archery, arnis, taekwondo, karatedo at umagaw ng ginto sa dance sports upang angkinin ang kabuuang 27 ginto, 21 pilak at 39 na tanso para sa kabuuang 87 medalya. Ikalawa at ikatlo ang Koronadal City na napag-iwan sa 18-9-6=33 at Davao Del Norte sa 17-15-13=45 (ginto-pilak-tanso sa kabuuan.
Limang ginto ang iniambag ni Kristine Madeline Ibag sa archery habang nagtulong ang magkapatid na sina Liaa at Lora Micah sa 4 gold sa swimming upang agad na ilayo ang naghahangad sa ikalawang sunod na pangkalahatang titulo na Davao City sa malaking kalamangan sa gold medal. Mainit naman sinimulan ni Aaron Gumban na pambato ng Sto. Tomas, Davao del Norte ang unang araw ng athletics matapos na ikutan ang lahat ng nakalaban tungo sa pagwawagi sa nakatayang unang ginto sa centerpiece na sports sa pagwawagi sa 5000 meter run boys 13-15.
Agad din nitong sinungkit ang ikalawang gold medal kinahapunan matapos magwagi sa 2,000 meter steeplechase sa itinalang minuto, 06.11 segundo upang unang atleta na nakadalawang gold sa athletics
Si Gumban, na anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa Dubai, ay nagtala ng 17:14.00 tiyempo para muling pagharian ang paborito nitong event at kunin ang panalo. Ito ang kanyang huling taon sa nasabing kompetisyon na bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Masaya po, kasi last year ko na sa Batang Pinoy at naka-gold po uli,” sabi ng 14-anyos na si Gumban, na halos ay maabot ang isang national junior record sa event na itinala ni Hector Begeo na 14.44.44 segundo noong Dis. 12, 1982 sa 9th Asian Games sa New Delhi, India.
Nagwagi ng ginto si Gumban noong 2018 Batang Pinoy na ginanap sa Oroquieta City subalit bigo na makapaglaro sa National Finals na ginanap sa Baguio matapos magtamo ng ankle injury. Pumangalawa kay Gumban si Lordy Salpid ng General Santos City sa 19:05.07 oras at sa 3rd place si Romie Laviste Jr. ng Hagonoy Davao del Norte, sa 19:12.66 oras.
Iniuwi naman ni Rona Bacus ng Cagayan de Oro City ang ginto sa tinalon nito na 11.01 metro sa triple jump. Asam naman ni John Carlo Margarito Loreno ng City of Koronadal na kunin ang kanyang 7th gold sa archery ngayong umaga.
Sa swimming, apat na ginto naman ang hinakot ni John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa limang events sa una at ikalawang araw. “Hindi ko po ini-expect na makakaapat ako na golds. Pero masayang-masaya po ako. Pipilitin ko po na dagdagan pa ‘yung ginto ko,” ayon pa sa grade 8 student ng Southern Christian College ng North Cotabato. (ATD / MC)





Comments