Alamin mula kay Señor... MGA PANINIWALANG DAPAT SUNDIN TUWING NAKAPANONOOD NG DRAGON DANCE
- BULGAR

- Feb 8, 2019
- 2 min read
Sa pagpapatuloy ng mga katotohanan tungkol sa dragon dance na makikita ng lahat sa Chinese New Year.
Noong nakaraan ay ibinahagi natin na ang mga taong gustong suwertehin ay magiging suwerte kung manonood sila ng dragon dance na madalas makikita sa Chinatown.
Kaya makikita mismo ng mga gustong makibahagi sa pinakadakilang selebrasyon ng mga Tsino na ang dragon dance ay tumatapat sa mga establisimyento para suwertehin ang negosyo, gayundin, sa mga bahay ng mga Chinese para buwenasin at maging ang mga manonood ay pinaniniwalaang susuwertehin din dahil bahagi ng pagdiriwang ang panonood ng dragon dance.
Paano ginagawa ang dragon dance at paano ba ito sumasayaw? Mahaba at parang ahas ang dragon dahil ito ay nagmula sa lahi ng mga ahas, kumbaga, ang ahas at ang dragon ay magkapamilya.
Nahahati ang mahabang dragon sa siyam na bahagi at ang bawat bahagi ay may tao sa loob na may hawak na pole o mahabang kahoy. Habang lumalakad ang mga tao sa loob ng dragon, ang dragon ay taas-baba kung saan sumasayaw ito nang naaayon sa galaw ng performer na nasa loob. Gayunman, bukod sa taas-baba ay lumalakad din sila nang pakaliwa, pakanan, paatras at paabante.
Sa ulo ng dragon ay dalawa o tatlong tao ang naka-assigned. Ang lahat ay sumasabay sa tunog ng malaking drum o gong, kaya mas lalong nagiging masaya ang pagsasayaw.
Gusto mo bang suwertehin? Gusto mo bang matupad ang mga kahilingan mo sa buhay? May gusto ka bang mangyari? Simple lang ang dapat mong gawin, ito ay ang pasayahin ang mga performer sa dragon dance. Kung maaari ay bigyan ninyo sila ng pagkain, inumin at pera nang sa gayun ay maging masaya sila at kasabay ng kanilang pagsasayaw, ang mga kahilingan ninyo ay matutupad dahil pakikinggan ito ng espiritu sa langit na naging masaya nang dahil sa dragon dance.
Good luck and God bless!




Comments