Para sa mga gusto ng forever diyan... PAGKAKAROON NG SENSE OF HUMOR, NAKAPAGPAPATIBAY NG RELASYON!


ANG sayang magkaroon ng dyowa lalo na kung pareho ninyong kayang sabayan ang biro ng isa‘t isa, ‘di ba? Bagama’t, nakatatanggal ng bad vibes at stress ang pakikipagbiruan sa ating partner, knows ba ninyo na ang pagiging palabiro natin sa isa’t isa ay nakatutulong para tumibay ang ating relasyon? Hmmm…
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakaroon ng sense of humor ay isa sa magandang pundasyon upang magkaroon ng magandang relasyon ang magnobyo o nobya.
Sa pag-aaral na isinagawa ng mga researcher mula sa Department of Communication studies sa University of Kansas, sinuri ng mga researcher ang 39 na pag-aaral kung saan 150,000 katao ang naging kalahok dito. Gayunman, sentro ng mga pag-aaral ang importansiya ng humor sa romantic relationship.
Ayon kay Professor Jeffrey Hall, ang pagiging palabiro at romantic ng bawat isa sa relasyon ay isa umanong mahalagang parte ng pag-e-establish ng relational security sa romantic relationship.
Gayundin, ang pagiging masayahin ng mag-partner kung saan indikasyon din ito ng romantic attraction sa isa’t isa. Lumabas sa pag-aaral na nai-published sa journal na Personal Relationships na ang pagiging ‘joker’ ng indibidwal ay nangangahulugang siya ay magiging suwerte sa pag-ibig.
Samantala, ang mga couple na madalas pagkatuwaan ang isa’t isa gamit ang ‘inside jokes’ ay may mas mataas na tsansa na tumagal pa at tumibay ang kanilang relasyon.
Ayon kay Professor Hall, ang ‘inside jokes’ sa pagitan ng magkasintahan ay isa rin umanong basehan para masabi na mayroon silang malalim na koneksiyon sa isa’t isa.
Dagdag pa rito, ang pagbabahagi ng nakatatawang bagay sa iyong partner tulad ng nakahihiyang nangyari sa’yo nu’ng bata ka pa ay maganda ring paraan para pagmulan ng jokes, ngunit, hirit ni Professor Hall, mayroon umanong pagkakaiba ang abusive sense of humor kumpara sa regular na paraan ng pakikipagbiruan ng mag-partner.
Kung mayroon umanong abusive sense of humor sa inyong relasyon, ayon kay Professor Hall, hindi aniya ito senyales ng matibay at magandang relasyon.
Oh, ayan, mga bro at sis, bukod sa tiwala sa isa’t isa ay may iba pa palang paraan para mapatibay natin ang relasyon natin sa ating partner. Kaya mga lodi, alam n’yo na, ha?
Have a healthy and happy relationship. Copy?





Comments