top of page

Batas kontra pang-aabuso sa matatanda, dapat lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2019
  • 1 min read

LAHAT tayo ay dumaan sa pagkabata pero, hindi lahat ay umaabot sa pagtanda.

Mapalad ang mga nabubuhay nang matagal bagama’t, may iba na hindi madali ang pinagdaraanan para ma­buhay.

May mga lolo’t lola na kailangan pa ring magtrabaho. Meron ding biktima ng pang-aabuso sa magkakaibang paraan. Sila na wala nang kakayahang ipagtanggol ang sarili, sila pa ang inaapi.

Kaya napakalaking bagay kung tuluyang maisasabatas ang panu­kalang ‘Anti-Elder Abuse Bill’. Sa ngayon, pasado na sa ikatlo at hu­ling pagbasa ng Kamara ang nasabing panukala.

Sa botong 176 na yes at walang pagtutol, lumusot ang HB 7030 na naglalayong protektahan ang mga senior citizen sa anumang uri ng pang-aabuso.

Sakop nito ang pagbibigay-proteksiyon sa mga matatanda laban sa physical, psychological, mental o emotional abuse, economic o financial abuse, material exploitation, sexual abuse at pagpapabaya o pag-aabandona sa mga matatanda.

Mabibigyan din sila ng karagdagang karapatan tulad sa pagkuha ng legal assistance mula sa Public Attorney’s Office at iba pang public legal assistance office, pagbibigay ng support services mula sa DSWD at LGUs, legal remedies sa ilalim ng Family Code at pagkakaloob ng compen­satory, moral at exemplary damages sa matandang nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso.

Ang mga mapatutunayang umabuso sa senior citizen ay maaaring makulong at pagmultahin ng P100, 000 hanggang P300,000.

Samantala, P5,000 hanggang P10,000 naman ang multa sa mga barangay official o law enforcer na hindi sasaklolo sa matandang na­abuso habang ang indibidwal na alam nang naaabuso ang isang matanda pero, bigo itong i-report sa mga awtoridad ay mahaharap sa multang hindi bababa sa P10,000.

Mainam na may batas na nakatuon sa mga senior citizen upang alam natin kung paano sila higit na mapoprotektahan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page