SINO ANG MALALAGAY SA LAST SPOT NG 26TH NCRAA Q’FINALS?
- A.Servinio
- Feb 6, 2019
- 1 min read

DAGUPAN CITY – Malalaman ngayong araw kung sino ang huling paaralan na papasok sa quarterfinals ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa pormal na pagtatapos ng elimination round sa Dagupan City People’s Astrodome. Gagawin ng University of Luzon (4-2) ang lahat para makapasok kontra sa kanilang mga bisita galing Pasig Catholic College (3-3) sa tampok na laro sa 12:30 ng tanghali.
Nauna nang pumasok galing Grupo B ang walang talong Centro Escolar University (7-0), De Ocampo Memorial College (5-2) at PATTS College of Aeronautics (5-2). Kung manalo ang UL, haharapin nila ang PATTS sa quarterfinals habang makakalaro ng PCC ang CEU kung sila ang magwawagi.
Sa isa pang tampok na laro, magtutuos ang parehong walang talong Philippine Merchant Marine School (6-0) at defending champion Olivarez College (6-0) para sa numero unong puwesto ng Grupo B sa 9:30 ng umaga. Ang mananalo ay lalaruin ang Lyceum of the Philippines University-Laguna (3-3) sa quarterfinals habang ang matatalo ay tatapat sa Saint Francis of Assisi College (5-2). Sa ibang laro, susubukang hanapin ng Asian Institute of Maritime Studies (0-6) ang kanilang unang panalo sa torneo laban sa LPU sa pagbukas ng aksyon ng 8 a.m. Maglalaro rin ang Immaculada Concepcion College (1-5) at National College of Business and Arts (1-5) sa 11:00 a.m.





Comments