Karapatan ng bawat isa sa pagkakaroon ng tahimik na pamumuhay
- BULGAR
- Feb 3, 2019
- 3 min read
ANG tahanan ay ang lugar kung saan inuuwian ng bawat tao, anuman ang kanyang estado at pinagkakaabalahan sa buhay. Kaya naman, dapat ang lugar na ito ay mapanatiling tahimik at payapa. Isa sa mga dahilan kaya nawawala ang katahimikan ng tahanan ay kapag ang nakapaligid na mga kapitbahay ay mahilig makialam sa buhay ng may buhay.
Sa pamayanan, upang ito ay magkaroon ng mapayapang kapaligiran, marapat na ang mga taong kabahagi ng pamayanan ay magkaroon ng respeto sa bawat isa. Mahalaga sa komunidad na ang mga magkakapitbahay ay magkakasundu-sundo at may respeto sa bawat isa. Magiging ganap lamang ang kaayusan kapag pipiliin ng bawat magkakapitbahay na bigyan ng respeto ang karapatan ng bawat isa. Ito ay maaari lamang maisakatuparan kung ang lahat ng mamamayan ay igagalang ang karapatan ng bawat isa. Bawat magkakapitbahay ay may tungkulin at karapatan. Tungkulin ng bawat tao na kumilos nang may paggalang sa karapatan ng ibang taong nakapaligid sa kanya.
Alinsunod ang tungkuling ito sa probisyon ng ating batas, partikular na ang Articles 19 at 26 ng Civil Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Art. 19. Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, and observe honesty and good faith.”
“Art. 26. Every person shall respect the dignity, personality, privacy and peace of mind of his neighbors and other persons. The following and similar acts, though they may not constitute a criminal offense, shall produce a cause of action for damages, prevention and other relief:
Prying into the privacy of another’s residence;
Meddling with or disturbing the private life or family relations of another;
Intriguing to cause another to be alienated from his friends;
Vexing or humiliating another on account of his religious beliefs, lowly station in life, place of birth, physical defect, or other personal condition.”
May karapatan ang pamilya at tahanan na maging pribado sa kanilang pamumuhay. Ang pagkakalat ng tsismis tungkol sa isang tao na maaaring maging dahilan upang ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay lumayo ang loob sa kanya ay maituturing na panghihimasok sa pribadong buhay. Ang taong sinisiraan ay may karapatang maghabla sa husgado ng kasong kriminal (oral defamation) o maaari rin siyang maghain ng kaso sa husgado upang humingi ng bayad-pinsala (damages) sa mga kasiraang dinanas niya.
Ang pamimintas sa isang tao dahil sa kanyang paniniwalang panrelihiyon, mababang estado sa buhay o kahirapan, kapanganakan at pisikal na depekto ay isang uri ng pangungutya. Ang taong kinukutya ay maaaring maghabla sa husgado upang makahingi ng bayad-pinsala.
Kasama sa magandang pakikitungo ng mga tao sa pamayanan ang respetuhin ang mga pag-aari ng kapitbahay. May karapatan ang bawat may-ari ng lupa na lagyan ng bakod ang kanyang bakuran. Maaari rin siyang magtanim ng mga punongkahoy at mag-alaga ng mga hayop. Subalit, kaakibat ng mga karapatang ito ay ang obligasyong pasiguruhan na ang kanyang mga pagmamay-ari ay hindi nakasasagabal sa maayos na paggamit ng kanyang katabing kapitbahay ng kanyang mga pagmamay-ari. Ito ay bilang pagbibigay-halaga rin sa mga karapatan ng katabing lugar na maaaring maapektuhan ng nasabing ari-arian.
Sa mga nagtatanim ng mga puno, marapat na siguruhin nitong walang lalagpas sa tabing bakuran nito na mga sanga. Sa nag-aalaga ng mga hayop, dapat siguruhin niyang hindi ito gagala sa bakuran ng kanyang kapitbahay o magiging sanhi ng hindi magandang amoy sa kapaligiran. Sa kapitbahay na nag-aalaga ng mga pusa o aso, marapat na tiyakin niyang hindi makalalabas ang mga ito sa kanyang bakuran at makakagat ang mga ito ng mga kapitbahay. Kung ang alagang aso o pusa ay nakakagat, ang may alaga nito ay maaaring hingan ng bayad para sa pagpapagamot ng taong nakagat ng nasabing pusa o aso.
May karapatan ang kapitbahay na magsaya kung may okasyon sa kanyang tahanan subalit, may tungkulin din itong iwasan ang nakabubulahaw na ingay lalo pa at malalim na ang oras ng gabi. Ang nakabubulahaw na ingay at nakasusulasok na amoy ay maitututing na public nuisance kung saan ang taong naapektuhan nito ay may karapatang magsampa ng kasong kriminal o sibil. Ito ay sang-ayon sa probisyong Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“Art. 699. The remedies against a public nuisance are:
A prosecution under the Penal Code or any local ordinance: or
A civil action; or
Abatement, without judicial proceedings.”
May karapatan din ang taong naapektuhan na ipatigil ang mga nabanggit na public nuisance. Bukod sa mga nabanggit na karapatan at remedyo, ang taong biktima ng public nuisance ay maaari ring magsampa ng kasong sibil upang makahingi ng bayad-pinsala.
Comments