VILLANUEVA, HARI SA PENANG RAPID, GM SO, UMAARANGKADA SA GIBRALTAR

NAITAKAS ni FIDE Master Nelson Villanueva ng Pilipinas ang korona matapos niyang daigin sa tiebreak ang pambato ng punong-abala na si FM Ronnie Hoong Chuin Lim sa pagtatapos ng 2019 Penang Rapid Chess tournament sa Marcus Chess Center ng Malaysia.
Nakakolekta si Villanueva ng pitong puntos kagaya ng topseeded na Malaysian. Ito ay galing sa anim na panalo at dalawang draws mula sa walong salang sa board sa FIDE-rated na torneong inorganisa ng Penang Chess Association.
Sa kabilang dako, si Lim ay nakapagrehistro ng pitong panalo at isang talo. Ang tanging pagkatalo niya ay natikman mula sa kamay ng nagkampeong Pinoy noong round 6 sa paligsahang ginamitan ng “15-minuto at 10-segundo kada galaw” na panuntunan.
Nang pairalin ang unang tie-break rule, idiineklarang hari si Villanueva. Isa pang Malaysian, si FM Long Yinn Wong, ang humablot ng huling upuan sa podium dahil sa naipon nitong 6.5 puntos.
Samantala, tuloy ang arangkada ni GM Wesley So sa Gibraltar Chess Tournament at humugot ito ng panalo sa round 7 kontra kay GM Kateryna Lagno ng Russia. Ang tagumpay ng 25-anyos na chesser mula sa Cavite ay nag-angat sa produksyon ng Pinoy sa kabuuang 5.0 puntos may tatlong rounds pa ang natitira sa kompetisyong umakit ng 150 na disipulo ng chess mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.





Comments