Para sa mahihilig mag-beach diyan… TATTOO NA KERING MAGING SUNSCREEN, PATOK!

GAANO kahabang panahon ang itinatagal ng mga ginagamit nating sunscreen? Bagama’t, mayroon itong iba’t ibang lebel ng SPF, ayon sa mga eksperto, ang paggamit ng sunscreen ng isang beses kada araw ay maaaring hindi maging sapat para mawala ang panganib sa pagkakaroon ng skin cancer.
Kaya mga lodi, mayroon ng naimbentong tattoo ink kung saan ito ay permanenteng tattoo na kayang makapagsabi kung malapit sa panganib ng sun damage ang indibidwal na mayroon nito. Weh, ‘di nga?
Ang nasabing tattoo ay naimbento ni Dr. Carson Bruns kung saan ang ink ng tattoo ay sensitibo sa UV light na lumalabas lamang kapag matagal nang na-exposed sa radiation mula sa araw ang balat.
Ayon sa mga eksperto, ang skin cancer ay isa sa mga karaniwang uri ng cancer, gayundin, nananatiling mataas ang tsansa sa pagkakaroon nito kahit hindi gaanong mainit ang panahon.
Ang UV-sensitive tattoo ay naglalaman ng color-changing dye na lumalabas depende sa uri ng liwanag na exposed ang balat, kabilang dito ang delikadong UV rays.
Ang tattoo ink ay nagsisilbing real-time indicator ng exposure ng balat sa UV.
Gayundin, halos invisible umano ito, ngunit, nagiging kulay asul sa tuwing nae-exposed ang balat sa UV light.
Nangangahulugan ito na mas mataas ang tsansa na magkaroon ng sunburn at skin cancer ang indibidwal kapag overexposed sa araw ang kanyang balat, pero sa tulong ng sunscreen, mawawala ang kulay ng tattoo at ito ay nangangahulugang safe na ang iyong balat.
Dahil umano ‘socially acceptable’ na ang pagkakaroon ng tattoo, ayon kay Dr. Bruns, layunin nito at ng kanyang team na i-improve ang smart tattoo upang magbigay din ito ng tulong-medikal.
Dagdag pa ni Dr. Bruns, pinag-aaralan ng mga designer ang paggamit ng tattoo ink bilang diagnostic tool upang tulungan ang mga doktor na mas madaling malaman ang sakit. Ang pagkakaroon umano ng isa pang uri ng tattoo ay magsisilbing ‘in-skin thermometer’ kung saan nawawala ang tattoo sa tuwing lalagpas ito sa specific na temperatura.
Kaya sa mga lodi natin diyan na hindi puwedeng magpa-tattoo, tiyak na puwede sa inyo ito dahil invisible ang tattoo na ito. He-he-he! Ngunit, ugaliin ninyong gumamit ng sunscreen na may mataas na lebel ng SPF nang sa gayun ay maiwasan ang pagka-damage ng inyong balat lalo na ngayong malapit na ang summer.
Copy?





Comments