ROS BUMIDA SA CALASIAO ATENEO FINALIST SA PCCL
- BULGAR

- Jan 27, 2019
- 2 min read

PINAGULONG ng Rain or Shine ang Barangay Ginebra, 83-80 upang sikwatin ang pangalawang sunod na panalo kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Calasiao Sports Complex.
Malinis sa dalawang laro ang Elasto Painters habang nalasap ng Gin Kings ang pangalawang talo sa tatlong laro. Si Mark Borboran ang namuno sa opensa para sa RoS, nagtala siya ng 12 points at 8 rebounds.
Lumaban ng sabayan ang Elasto Painters sa unang dalawang periods, nahawakan nila ang isang puntos na bentahe, 39-38 sa halftime. Hindi nagpabaya ang crowd favorite Gin Kings sa third canto, humarurot ng 25-21 upang maagaw ang lamang, 63-60 papasok ng 4th.
Samantala, target ng tigasing San Miguel Beer na lagukin ang pangatlong sunod na panalo pagharap nila sa TNT KaTropa ngayong alas-6:45 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Bahagyang lalapit sa unahan ng team standings ang Beermen kapag kinalos nila ang galing sa panalo na KaTropa.
Hawak ang 2-1 karta, muling sasandalan ng San Miguel Beer sina five-time Most Valuable Player, (MVP) June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Ross, Christian Standhandinger at Marcio Lassiter upang makuha ang three-game winning streak. Tumikada si 6-foot-10 forward Fajardo 20 points, 11 rebounds at tatlong blocks sa kanilang huling panalo kontra Meralco Bolts, 105-93 habang nag-ambag sina Lassiter at Standhandinger ng tig-25 at 14 markers ayon sa pagkakasunod.
Subalit inaasahang hindi magiging madali para sa SMB na sikwatin ang panalo dahil impresibo ang huling laro ng KaTropa. Nahablot ng TNT ang unang panalo matapos ang tatlong salang nang kalusin nila ang NLEX Road Warriors, 85-80 noong Miyerkules.
Ibabangga ng KaTropa sina RR Pogoy at Don Trollano para makasilat sa Beermen. Kumana si Pogoy ng 20 pts. at seven boards para sa KaTropa habang 15 markers at pitong rebounds ang kinana ni Trollano.
Samantala, finalist na ang Ateneo de Manila University bilang kampeon ng Philippine Collegiate Champions League UAAP versus NCAA Champions Showdown sa panalo nila sa Game 3, 62-56, kahapon sa Ynares Sports Arena. Pinasok ni Thirdy Ravena ang tres na sinigurado ang panalo na may 22 segundo sa orasan at muntik na makatala ng bihirang triple double si Ange Kouame kaya haharapin ng Blue Eagles ang University of the Visayas para sa PCCL Presidents Cup final ngayong Lunes sa FilOil Flying V Centre simula 4:00 ng hapon. (ATD/A. Servinio)





Comments