Bukod sa tikoy na patok na patok, mga mamsh! 5 PAGKAING SUWERTE SA CHINESE NEW YEAR
- Donna Thea Topacio
- Jan 27, 2019
- 2 min read

MALAPIT ng matapos ang unang buwan ng 2019, pero hindi pa natatapos diyan ang ating pagdiriwang dahil nalalapit na ang Chinese New Year. Kaya ang mga half-Chinese o Chinese talaga, eh, may sariling paniniwala kung ano ang masusuwerteng pagkain na dapat ihanda sa pagsalubong sa kanilang Bagong Taon, narito at alamin natin ang 5 pagkaing masusuwerte:
1. TIKOY. Kahit hindi tayo Tsinoy ay nakaugalian na nating kumain ng tikoy, bukod sa masarap ito, eh, pampasuwerte raw ito dahil sa lagkit na tinataglay nito na pinaniniwalaang nakagaganda ng kapalaran, gayundin, ito ay para magkaroon tayo ng ‘good ending’ sa pagpasok ng panibagong taon.
2. ISDA. Yes, mga besh! Alam naman natin na ang ilan sa atin ay sawa na sa isda, pero isa ito sa mga masusuwerteng pagkain dahil ayon sa mga expert pagdating sa feng shui, ang isda raw umano ay sumisimbolo sa kasaganahan. Oh, ‘di ba, bongga?
3. MAIS. Dahil umano kulay ginto ang mais, pinaniniwalaang kakulay ito ng ginto na sumisimbolo sa pagpapayaman. Bagay na bagay ito para sa mga beshy natin na gustong yumaman diyan dahil sawa na sa pagiging mahirap. Ha-ha-ha!
4. DUMPLINGS. Kadalasang pinagpipiyestahan ang dumplings dahil masarap talaga ito, pero ayon sa mga eksperto, ang dumplings din umano ay sumisimbolo sa pera dahil ang hugis nito ay parang “ingot” o ‘yung hugis ng pera noong sinaunang panahon.
5. NEW YEAR’S CAKE O ‘NIAN GAO’. Ang cake na ito ay iba sa birthday cake. Gawa ito sa glutinous rice at hugis-laryo at para makain ito, simple lang ang dapat gawin, hiwa-hiwain ito sa maninipis na piraso at puwedeng pasingawan o igisa kasama ng karne at gulay.
Ayon sa mga Tsino, ang pagkaing ito ay nagpapakita ng mabuting hangarin upang umasenso. Maraming bagay ang inaasahang tataas tuwing nagbabago ang taon. Halimbawa sa mga ito ay ang suweldo, posisyon sa trabaho, ani ng mga magsasaka at siyempre kasama na rin dito ang katangkaran. He-he-he! Kaya sa mga maliliit diyan, alam n’yo na, ha?
Kaya mga beshy, half-Chinese, Chinese o Pinoy man tayo, for sure, naniniwala tayo na suwerte ang mga pagkaing ito lalo na ‘yung tikoy na ngayon ay may iba’t iba ng flavor tulad ng ube, pandan, caramel at iba pa.
Oh, ayan, make sure na kahit isa sa mga ito, eh, makabibili kayo, ha? Copy?





Comments