TOYOGON AT MARTIN, NAKAPAGBANAT NA NANG BUTO, READY NA SA LABAN

HUWAG mabahala ang sambayanan kung malapit na ang pagreretiro ni 8-division world champion Manny Pacquiao, dahil may dalawang batang fighters na handang magsakripisyo at mga determinadong maibsan ang dagok sa industriya ng boxing kung sakaling magpasya na si Pacman na ilagay na sa museo ang kanyang ‘gloves’.
Sa edad na 19, markadona ang tikas ni Carl James ‘Wonder Boy’ Martin mula sa lalawigan ng Lagawe, Ifugao at hindi pahuhuli ang grado na unti-unting nililikha ng 20-anyos na si Al ‘The Rock’ Martin na mula sa Mindanao sa Ozamiz City.
Gaya ng ibang bata pang boxer, idolo nila at nais tularan ang tagumpay na nakamit ni Pacman. “Bata pa po ako, idolo ko na Sir Manny (Pacquiao). Tulad niya, galing din po ako sa hirap, nagtitiis kasama ang tatay ko para mag-ensayo sa payak na gymnasium, gamit namin ang sariling gawang punching bag.
Unti-unti, baka sakaling masundan ko ang mga yapak ni Sir Manny,” pahayag ni Martin sa Usapang Sports ng TOPS (Tabloid Organization on Philippine Sports) na idinaos sa National Press Club.
Sa impresibong 11-0 karta, 10 mula sa knockouts, tunay na maganda ang hinaharap na bukas ng batang Ifugao. Target ni Martin na mahila ang winning streak sa pagdepensa sa World Boxing Association (WBA) Asia bantamweight title sa pakikihamok sa matikas ding si Petchchorhae Kokietgym ng Thailand sa boxing title fight na promosyon ng dati ring world champion na si Gerry Peñalosa sa Pebrero 16 sa Midas Hotel sa Pasay City.
Tahimik, ngunit, malupit na kamao ang taglay naman ni Al Toyogon na magdedepensa rin ng kanyang World Boxing Council (WBC) ABCO Silver Super Featherweight title kontra Japanese Ryusei Ishii ng Japan sa ‘Night of Champions XVI’, sa pangangasiwa ng beteranong promoter/matchmaker na si Bebot Elorde ngayong Enero 26 sa Elorde Sports Center sa Parañaque. Laki rin sa hirap si Toyogon at taliwas sa pinagdaanan ni Martin, diretso itong nagsanay at sumabak bilang isang ganap na pro fighter.
Sa maigsing panahon, pinatunayan ni Toyogon na may paglalagyan siya sa boxing mula nang mag-debut kontra Rex Merceno noong Agosto 2015. Sa kasalukuyan, tangan niya ang 9-2-1 karta, tampok ang anim na knockouts. Naipanalo niya ang huling apat na laban, kabilang ang title fight kay Naotoshi Nakatani ng Japan noong Pebrero . “Mahusay at mabilis ang mga kamay,” pahayag ni Pat Pumar nang magsalita sa TOPS.





Comments