Walang ibang dapat na maging kapalit kundi ang katarungang matagal na nilang nais makamit... MGA PAM
- BULGAR

- Jan 25, 2019
- 3 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

MAHIGIT na sa isandaan (100) ang sumailalim sa forensic examinations ng Public Attorney’s Office Forensic Team (PAOFT) na hiniling ng mga pamilya para sa mga biktima ng nakapipinsalang anti-dengue vaccine at namatay. Isandaan at labintatlo (113) na ang eksaktong bilang nito. Ang sampung (10) biktima na namatay na ay naturukan sa panahon ni DOH Secretary Francisco Duque, sila ay aming ipinagluluksa, ngunit, hindi rito natatapos ang lahat. Ang mapapait na pagpanaw ng mga naturang biktima ay hindi natin tinutuldukan ng luha. Tuloy ang laban para sa mga biktima! Tuloy ang laban para matamo natin ang hustisyang nararapat na ibigay sa kanila!

Sa yugtong ito ng patuloy naming pagpupunyagi, may mga obserbasyong ipinahayag si Dr. Francisco Salcedo Cruz, MPH, isang Public Health at Good Governance Expert. Ang mga sumusunod ay bahagi ng mahahalagang tala at obserbasyon ni Dr. Cruz hinggil sa nabanggit na pagsusuri ng PAOFT.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
Ang PAOFT ay may mandato upang mag-imbestiga at ito ay nakapaloob sa Department Order No. 792, dated December 12, 2017.
Ang mga aktibidad na may kaugnayan sa nasabing imbestigasyon ay may pondo mula sa pamahalaan (as per PAO General Appropriations Act).
Ang opisyal na mga gawain na aprubado ng naturang Department Order ay pinamamahalaan nina Dr. Persida V. Rueda-Acosta, DSD, Chief Attorney at Dr. Erwin P. Erfe, M.D., Direktor ng PAOFT.
Ang mga forensic examination ay isinasagawa 24/7 at on-site sa mga lugar na kasinlayo ng Zambales, Aurora, Quezon at Cebu.
Ang batayan ng findings ng PAOFT ay medical records review ng kinilalang mga batang biktima, field interview at pagpapatunay ng mga magulang ng isandaan at labintatlong (113) autopsies at tatlumpu’t tatlong (33) histopathological examinations ng accredited na partner pathologists ng PAOFT.
Ang PAO autopsies na isinasagawa ay may naunang pahintulot ng mga magulang ng nasabing mga biktima.
Ang bawat proseso ay dokumentado, kinober din ng media ang ilan at kinuhanan ng live ang paunang mga resulta na ipinaliwanag nina Chief Acosta at Dr. Erfe sa mga magulang ng mga biktima.
Ang mga impormasyon ay sang-ayon sa Data Privacy Act at gagamitin sa korte.
Ang prinsipyong gumagabay sa PAO at PAOFT ay ang pagbibigay ng medico-legal na tulong sa mahihirap na pamilya na may mga anak na biktima ng Dengvaxia.
Ang balangkas ng pagsusuri ng PAOFT ay ang medico-legal framework na may post-mortem analysis and advantages (literally and figuratively).
Walang salungatan ng interes sa mga pangunahing imbestigador ng PAOFT.
Ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri sa ngayon ay isandaan at labintatlong (113) autopsies, tatlumpu’t tatlong (33) histopathological examinations na nag-uugnay sa kamatayan ng mga batang biktima ng Dengvaxia, tatlumpu’t isang (31) criminal cases at obstruction of justice ang nakasampa sa Department of Justice habang dalawampu’t isang (21) civil cases sa ilang branches ng regional trial courts sa Quezon City.
Ang prestihiyosong PAOFT ang tanging pambansang ahensiya na nagtatanggol at naglilingkod sa mga maralitang pamilya ng mga biktima ng Dengvaxia.
Tuluy-tuloy ang pagpaparamdam ng mga pumanaw na mga biktima. Kaya tuluy-tuloy at wala ring preno ang pagkilos ng PAO at PAOFT upang makatulong sa pag-usad nang gulong ng buong husay para makamit natin ang nararapat para sa mga biktimang buhay at sumakabilang-buhay na. Kasama sa depinisyong “husay” ang tulin ng paggalaw ng gulong ng katarungan kung saan hinihiling namin na sana ito ay makamtan para sa aming mga biktimang ipinaglalaban.
(Itutuloy)





Comments