CEU SCORPIONS AT OLIVAREZ, 6TH WIN NA SA 26TH NCRAA

ANG inaasahang matinding bakbakan ng dalawang koponang parehong walang talo ay hindi nangyari at tuluyang nagwagi ang Centro Escolar University kontra sa University of Luzon, 98-70, sa 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) noong Miyerkoles sa Saint Joseph Gymnasium ng Pasig Catholic College. Ito na ang ika-anim na sunod na panalo ng Scorpions habang nahinto sa apat ang sunod-sunod na panalo ng Golden Tigers.
Tinapos ni Tyron Chan ang pinakamahusay na laro sa torneo na may 24 puntos at 12 rebound. Sinundan siya ni Rich Guinitaran na may 21 puntos at 11 rebound at Keanu Caballero na may 12 puntos at 3 assist.
Nanatiling walang talo ang defending champion Olivarez College na nakamit ang ika-anim na sunod na tagumpay sa walang panalong Asian Institute of Maritime Studies, 85-61. Namuno sa tagumpay si Lance de Leon na may 19 puntos at 9 na rebound habang may 14 puntos at 6 na rebound si Iverson Aquiatan at sinundan ni Kim Siegue na may 12 puntos, 6 na rebound at 6 assist sa loob ng 36 minutong paglalaro.
Hindi rin nagpadaig ang Philippine Merchant Marine School at itinala ang ika-5 sunod na panalo sa Lyceum of the Philippines University-Laguna, 79-58.
Maghaharap ang Olivarez at PMMS sa huling araw ng elimination round upang malaman kung sino ang numero uno sa Grupo A.
Ibinuhos agad ni Bryan Hilario ang 22 puntos sa walang pahingang first half kung saan lumamang ang Mariners, 35-24.
Umupo na sa wakas si Hilario sa huling 3 minuto pero bago noon ay mayroon na siyang 33 puntos, 12 rebound at apat na tapal habang sinuportahan ni Eugene Cabauatan na may 14 puntos at 4 na rebound.





Comments