Pahiwatig na tuparin ang mga pangako at magsikap sa buhay para yumaman
- BULGAR

- Jan 24, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Nhene ng Nhene_ Lanz@facebook.com
Dear Professor, Napanaginipan ko si Mama Mary at ang Kanyang rebulto ay biglang umilaw lalo na sa bandang korona, pumila ako dahil gusto kong lumapit sa Kanya. Nu’ng makatabi ko Siya, niyakap ko Siya nang mahigpit at tinawag ko ang Kanyang pangalan habang ako ay umiiyak. Pagkatapos ay nagising na ako.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay, Nhene
Sa iyo Nhene, Nangangako ang tao, pero hindi niya ginagawa ang kanyang pangako. ‘Yung tipong kahit hindi pa natutupad ang pangako ay nangangako pang muli, kaya ang tao, sa totoo lang, nabubuhay sa mga pangako.
Dahil nasanay na sa kapapangako, maging ang mga obligasyon sa kapwa ay hindi na rin ginagawa. Kung ang pangako sa sarili, eh, hindi nagawa, paano pa tutuparin ang pangako sa kapwa?
Ang masaklap dito, nangangako rin kay God, tapos, hindi rin tutuparin. Nangako na magsisimba sa Our Lady of Mercy, magno-novena sa Baclaran, magsisimba sa Quiapo, pero hindi naman magawa.
Gayunman, ang sabi ng panaginip mo, hinihintay ni Mama Mary na gawin mo ang iyong mga ipinangako.
Kapag nagawa ng tao ang kanyang pangako, kahit ang pangako ay walang kinalaman sa kanyang relihiyon, malaki ang magbabago sa kanyang buhay.
Alam mo, hindi galit sa iyo si Mama Mary, mahaba ang Kanyang pang-unawa dahil ganu’n ang pag-ibig Niya sa mga tao at ayaw Niyang mabuhay ang lahat na walang pag-asenso at puro pangako na lang na hindi natutupad.
Kaya, magsimba ka at tuparin mo ang sinabi mo sa iyong sarili na mag-aalay ka ng dasal kay Mama Mary. Sa biglang tingin, ito ay pangrelihiyong aktibidad, pero sa maniwala ka o hindi, pahahalagahan ka kapag natupad mo ang iyong mga pangako.
Ang totoo, ang isa sa mga susi ng tagumpay at pagyaman ay ang kakayahang matupad ng tao ang kanyang sinasabi.
Roon siya hahangaan ng kanyang kapwa at ang mabuting balita ay nagsasabing, hahanga ang langit sa taong ginagawa ang kanyang sinasabi lalo na si Mama Mary.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments