Dagdag-budget para sa agrikultura, aprub!


HABANG may mga ahensiya ng gobyerno na pataas nang pataas ang pondo kada taon, mayroon ding napag-iiwanan tulad ng Department of Agriculture.
Kaya ngayong taon, pinasisiguro ng pamunuan ng Kamara na madaragdagan ng P20 bilyon ang panukalang P123.7 bilyong budget nito.
Kapansin-pansin umano na patuloy ang pagbaba ng pondo ng nasabing kagawaran bagay na nakaaapekto sa mga maipatutupad nitong proyekto.
Partikular ang pagpapataas ng produksiyon ng mga magsasaka na kailangan upang makontrol ang inflation. Malaki ang kaugnayan ng alokasyon sa budget para masiguro ang paglago at implementasyon ng mga proyekto ng isang sektor.
Kung walang sapat na pera, paano uusad ang mga plano na magpapaunlad sa ating ekonomiya?
Ngayong panahon na halos lahat ng bilihin at serbisyo ay nagsitaas na, kanino at saan pa tayo aasa kundi sa sarili nating kakayahan at mapagkukunan ng kabuhayan?
Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, napakayaman ng ating bansa.
Sagana tayo sa mga likas na yaman na mapagkukunan ng ating mga pangunahing pangangailangan.
Kung wasto ang ating pag-aalaga at patuloy ang suporta ng gobyerno para sa pagpapaunlad nito, sasagana ang ating pamumuhay.





Comments