Dagat at tulay na may tubig
- BULGAR

- Jan 22, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Jaja ng Jaja_ Garia @facebook.com
Dear Professor,
Masama ba ang managinip ng dagat at tulay na may tubig?
Naghihintay,
Jaja
Sa iyo Jaja,
Ang pangarap ng bawat tao ay sinisimbolo ng dagat sa panaginip kaya ang sagot sa tanong mo na masama ba ang managinip ng dagat ay hindi.
Eh, ano ang masama? Eh, ano pa nga ba kundi ang taong walang pangarap sa buhay.
Mayroon bang mga tao na walang pangarap? Oo naman!
Ang una sa listahan ay ang mga taong inuubos ang buong araw sa pakikipagtsismisan.
Pangalawa, ay ang mga taong umaasa na lang sa tulong ng ibang tao. Pangatlo, ay ang mga nabubuhay sa kasalukuyan na hindi na pinahahalagahan ang kanilang kinabukasan.
Sila ‘yung kapag sasahod, eh, gastos nang gastos. Pang-apat, ay ‘yung mga nabubuhay sa nakaraan at hindi nila matanggap na ang tapos na ay tapos na.
Mayroon pa! Sila ‘yung buong araw ay palaging naka-monitor sa social media at maghapong naglalaro ng games sa internet.
Ang tulay na may tubig sa iyong panaginip ay masama ba? Hindi, dahil ang masama ay ang tulay tapos wala namang tubig.
Ang tulay ay sinisimbolo ng pagtawid ng tao sa susunod na hakbang ng kanyang buhay kung saan nakasalalay ang kanyang tagumpay o kabiguan.
Kapag hindi niya nagawang makatawid sa tulay ay hindi na siya makaaalis sa kanyang kasalukuyang buhay na ang sabi rin ng kanyang panaginip ay kailangan na rin niyang takasan.
Ang tubig sa panaginip ay simbolo ng damdamin, kaya ang tatakasan mo sa buhay ay ang sobra mong pagiging emosyunal.
Dahil dito, ang pahabol na payo ay nagsasabing, lakasan mo ang loob mo, huwag kang masyadong emosyunal.
Ang pag-ibig ay isakripisyo mo muna at piliin mo ngayon ang pagkakataong matupad mo ang iyong mga pangarap sa buhay.
Mahirap ba? Oo, mahirap nga, pero, sure na sure akong makakaya mo ito.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments