top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

GF, wala raw kasing kapaguran… XIAN, IBINULGAR ANG PINAG-AAWAYAN NILA NI KIM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20, 2019
  • 3 min read

AMINADO si Xian Lim na sa mga travel abroad, mas nagka­kakilala ang magkakarelasyon tulad nga sa kaso nila ng girlfriend na si Kim Chiu na ilang beses na niyang naka­sama sa mga biyahe na ang latest nga ay ang pagpunta nila sa China.

Usually daw talaga, sa abroad nag-aaway ang magkarelasyon dahil nagka­kaalaman ng mga ugali hanggang sa mauuwi sa breakup. Sa kaso ba niya ay ano ang nalaman niyang mga ugali ni Kim at nag-away na rin ba sila nang matindi sa travel nila na muntik na silang mag-break?

“Hindi naman aabot sa ‘Ayoko na sa ‘yo!’ Hindi naman aabot sa ganu’n, eh. Pero meron at meron talagang away sa isang biyahe,” sabi ni Xian sa presscon ng latest film niyang Hang­gang Kailan with Louise delos Reyes.

Ano ‘yung mga usual na pinag-aawayan nila?

“Eto nga, si Kim kasi, sobrang hyper. Alam naman natin ‘yun. ‘Hello everybody!’ So, I think, ‘yung mga small ano lang siyempre is ‘Kim, pa­hinga naman tayo kahit konti kasi siksik na siksik na ‘yung travels natin.’ (Sasa­bihin ni Kim) ‘Enjoy-in lang natin sandali.’ Du’n lang nagkakaiba para sa akin.

“Pero talagang nagkaka­a­­la­man ng ano ‘pag umaalis talaga. So, sa amin, hindi na­man kami uma­abot sa ga­nu’n (na maghihi­wa­lay),” ani Xian.

Ano pa ang mga ugali ni Kim na na-discover niya ha­bang nasa abroad sila?

“I think, sa sobrang hyper niya, dumating sa point na mabilis si Kim mataranta. I mean dito sa (last) trip na­­min na ‘to, mayroon akong nakita sa kanya kasi sobrang hyper niya, book siya nang book nang book, hang­gang sa naka-book siya ng apat na tour na sabay-sabay sa oras na ‘yun,” kuwento ni Xian.

Kaya nataranta raw si Kim dahil akala nito ay na-cancel na ang tour pero hindi pala. Ang ending, apat na tour guides daw ang pumunta sa hotel nila at apat na kotse rin. Binayaran daw nila lahat ‘yun.

Siyempre, kahit paano ay nagka­roon daw ng diskusyon pero hindi naman sila nag-away.

“Hindi kami umaabot sa nagsu­sum­batan na kami,” aniya.

Siya raw ang taga-kalma at taga-chill.

“Sino ang mag-a-adjust? Ako,” nata­tawa niyang sabi.

Kumusta namang girlfriend si Kim?

“Matagal na rin kami, and si Kim, sobrang lambing ni Kim. Ako, ‘yun talaga ang nahumaling ako kumbaga sa pagka­lambing niya.”

Nang tanungin kung ilang years na sila, ayaw niyang idetalye at basta ang sey lang niya, “A couple of years.”

Ano ang secret ng relationship nila?

“Open lang talaga kami sa isa’t isa. Hindi dapat nagtatago ng sikreto. Tapos, kung may hindi man pagka­kaintindihan, pag-usapan na kaagad, tapusin na ‘yung issue na ‘yun. Huwag nang maghintay pa kasi sometimes, du’n nasisira ang isang relationship, eh,” he said.

Happy daw siya na finally ay naamin na rin nila sa publiko ang relasyon nila at pareho raw nilang desisyon ito.

Napag-usapan ang out of the country travel sa presscon dahil kinunan din ang Hanggang Kailan sa ibang bansa — sa Saga, Japan.

Ayon kay Louise, first time niya sa Japan at napaka-memorable sa kanya ng trip na ito.

“Ang daming nagbukas na opportunity, ang dami kong realization sa sarili ko, and also, ang dami kong natutunan with Xian, with Direk Bo (Bona Fajardo), sa lahat ng kasama namin sa Japan, ang dami. And meron kaming eksena na sana, abangan n’yo,” sabi ni Louise.

May intimate scenes sina Louise and Xian sa movie at ani Xian, 3 to 4 hours nila itong pinag-usapan ng leading lady para komportable nilang magawa.

“Hindi lang siya basta inilagay lang sa istorya, it’s really detailed at kinailangan talaga sa journey ng dalawa, sina Kath and Donnie (their characters),” sey pa ni Xian.

Ang Hanggang Kailan ay mula sa Viva Films, BluArt Productions and XL8 Productions.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page