Shoutout sa mga feeling bad breath diyan...BLUEBERRY, GOOD SA ORAL HEALTH!


KADALASANG inihahalo sa inumin o ginagawang flavor ng cake ang blueberry dahil sa natural na tamis nito. Pero, knows ba ninyo na ang pagkain ng blueberry ay good sa oral health? Weh, ‘di nga?
Hinihikayat ng mga eksperto ang mga kumpanya ng mouthwash at toothpaste na gumamit ng blueberries sa kanilang mga produkto.
Ito ay dahil napag-alaman ng mga eksperto na ang blueberry at cranberry ay mayroong magandang epekto sa oral health ng indibidwal.
Gayunman, ang mga prutas na nabanggit ay mayroong antioxidant properties, partikular na ang polyphenols na kilala bilang proteksiyon sa pagdami ng unnecessary bacteria sa katawan.
Ayon sa mga eksperto, ang berries ay nakatutulong upang mabawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng tooth decay dahil napabababa nito ang bilang ng bacteria sa ating bibig.
Ayon kay Dr. Nigel Carter, hinihikayat niya ang mga kumpanyang gumagawa ng oral care products na gumamit ng berries bilang sangkap sa dental products tulad ng mouthwash at toothpaste.
Dagdag pa rito, dahil sa pagiging natural ng berries, sugar-free ito at ligtas gamitin bilang sangkap sa mga mouthwash at toothpaste.
Gayundin, maaari itong matunaw sa tubig, kaya puwede rin itong ihalo sa mga inumin na may mataas na lebel ng asukal.
Ayon sa pag-aaral mula sa University of Queensland, ang katas ng cranberry at blueberry ay epektibong panlaban sa cavities.
Bagama’t, wala pang produktong may sangkap ng mga nabanggit na prutas, ang pagkain umano ng mga ito ay makatutulong din upang mabawasan ang oral health issues ng indibidwal.
Ayon sa mga eksperto, dahil sa natural sugar na taglay ng berries, mas mabuting kainin ang mga ito kasabay ng hapunan kaysa gawin itong snacks, ngunit, hindi inirerekomenda ng mga eksperto ang labis na pagkain ng berries dahil mayroon pa rin itong asukal.
Ang blueberry at cranberry ay puwede rin umanong panlaban sa sakit sa puso at kanser.
Maliban pa rito, ang antioxidant properties ng mga ito ay nakatutulong sa pagbibigay ng hydration at magandang source ng fiber sa katawan.
Oh, ayan, mga bro at sis, make sure na hindi mawawala ang berries sa hapag-kainan ninyo dahil sa health benefits na makukuha ninyo mula sa pagkain ng mga ito. Para sa mga mamshie, try n’yo rin sanayin sina bagets na kumain ng berries para habang bata pa sila, eh, maganda na ang oral health nila at huwag ninyong kalilimutang uminom ng tubig pagkatapos kumain nito.
Copy?





Comments