ROOKIE BOLICK, PINANALO ANG PIER, ELITE, INOLATS


IPINARAMDAM ni rookie Robert Bolick ang kanyang bangis matapos akbayan ang NorthPort Batang Pier sa 117-91 panalo laban sa Blackwater kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Nagpasiklab agad si No. 3 pick at dating San Beda University King Lion sa kanyang unang laro sa pro matapos irehistro ang 26 points at tigatlong rebounds at assists at tulungan ang Batang Pier na kargahin ang 1-0 karta. Maagang uminit ang opensa ng NorthPort, inilista ni Bolick ang unang puntos sa PBA matapos makasalpak upang hawakan agad ng Batang Pier ang 8-0 lead may 10:50 minuto sa first quarter.
Nagpatuloy ang mainit na laro ni Bolick kung saan nakapagtala ito ng 21 pts. sa pagtatapos ng third period. Dahil sa kanyang tikas, nahirang si Bolick na Best Player of the game kasama si Paolo Taha ng tumikada ng 21 markers at anim na rebounds. “Masuwerte ako at dito ako sa NorthPort napunta, ang babait ng mga teammates ko lalo na si Stanley, (Pringle), hindi ako nahirapan mag-adjust,” masayang saad ni Bolick.
Nag-ambag sina Sean Anthony at Pringle ng tig-19 at 16 markers ayon sa pagkakasunod para sa Batang Pier. Para sa Elite, nabigo agad si head coach Bong Ramos sa kanilang unang laro ngayong conference at ayon sa kanya ay litmus test ang laban nila kontra NorthPort. Tangan ng Elite ang 31-22 pero biglang nagkumahog sa second matapos silang harurutin ng Batang Pier.
Namuno sa opensa para sa Elite si Abu Tratter na nagsalansan ng 18 puntos at 9 rebounds.
Umabot sa 29 puntos ang naging lamang ng Batang Pier matapos isalpak ni N. Elorde ang kanyang libreng tira, 111-82 may 4:54 minuto na lang sa payoff period. (ATD)





Comments