EAC CAVITE AT PMMS, NANGGULAT SA NCRAA


GINULAT ng bisitang Emilio Aguinaldo College-Cavite ang De La Salle University-Dasmarinas, 65-61, sa pagpapatuloy ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa Ugnayang La Salle noong Biyernes. Parehong naging 2-3 panalo-talo ang dalawang paaralan at nanatiling buhay ang Vanguard para sa quarterfinals habang nalasap ng Patriots ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo.
Pinasok ni Vincent Gabriana ang bola sa harap ng mahigpit na depensa na may siyam na segundo sa orasan upang mawasak ang huling tabla ng laro, 63-61. Nagtapos si Gabriana na 15 puntos, 13 rebound at dalawang tapal. Sumunod si de Quiros na may 10 puntos, 5 rebound at apat na assist.
Sa ibang laro, umarangkada ang Philippine Merchant Marine School sa kanilang ika-apat na sunod na panalo kontra Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, 71-67. Naglaro ng walang pahinga si Bryan Hilario para mamuno sa panalo na may 21 puntos, 10 rebound, apat na assist at limang tapal at tinulungan siya ni Wendel Attas na may 14 puntos, 8 rebound at anim na tapal.
Babalik ang aksyon sa 26th NCRAA sa Martes sa A.R. Valdez Hall ng PATTS College of Aeronautics sa Sucat, Parañaque. Tampok sa tatlong laro ang pagbisita ng Philippine School of Business Administration-Q.C. sa PATTS Seahorses sa 12:00 ng tanghali. (A. Servinio)





Comments