Ilang taon na ang nakalilipas, pero wala pa ring nananagot sa batas... KATARUNGANG DAPAT IGAWAD SA M
- BULGAR

- Jan 11, 2019
- 4 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA


SA pagpapatuloy ng laban para sa mga biktima ng nakapipinsalang anti-dengue vaccine, may pang-iinsulto hinggil sa “scientific illiteracy” na ibinabato sa mga walang humpay na nagtataguyod ng adbokasiya upang makamit ang katarungan para sa nasabing mga biktima. Wari, sila ay may kinalaman sa sinasabing nagaganap umano na “scientific illiteracy” sa mga Pilipino. Ang pandudustang ito ay nakadaragdag din sa pagkabalisa ng mga nagpaparamdam na mga kaluluwa na inihatid sa kabilang buhay ng mabagsik na bakuna.
Kamakailan, si Dr. Francisco Salcedo Cruz, MPH, isang Public Health at Good Governance Expert ay nagpahayag ng kanyang saloobin hinggil sa nasabing isyu. Nasa ibaba ang sipi ng bahagi ng kanyang nasabing saloobin. Ito ay salin sa Filipino mula sa kanyang orihinal na pahayag sa wikang Ingles.
Ang “scientific illiteracy” ba ang lumikha sa mga sumusunod?
1. Kinaligtaan ng Sanofi Pasteur ang paglalagay sa label ng produkto nito ng mga peligro sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue na noon ay alam na ng mga ito.
2. Ang Sanofi Pasteur ay sadyang nag-focus sa age group kung saan ang bisa nito ay bahagyang mataas habang hindi inintindi ang mga may edad na siyam (9) pababa na na-expose rin sa dengue.
3. Dinala ito ng Department of Health sa mga lugar na maraming rehistradong mga botante (vote-rich areas), kaya ang pagkakaayos ng pagbabakuna ay may politikal na layon.
4. Walang informed consent requisites na sinunod, kaya nanatili ang mga biktima at magulang na “illiterate”.
5. Nagkaroon ng pamba-bypass sa mga requisite na drug testing at approval protocol upang makatugon sa political campaign timetables. Sa nasabing pahayag, kinilala rin ni Dr. Cruz ang kahalagahan ng Summary of Significant Findings ng Public Attorney’s Office Forensic Team (PAOFT) na may kaugnayan sa isinagawang huling isandaan at sampu (110) na forensic examinations sa mga nabakunahan ng Dengvaxia at namatay na sumailalim sa nasabing pagsusuri alinsunod sa kahilingan ng kanilang mga pamilya. Narito ang bahagi ng kanyang pagkilala sa PAOFT at ang mga ginawa nito para sa mga nasawi sa nasabing trahedya. Ang sipi sa ibaba ay pagsasalin din sa Filipino mula sa orihinal na pahayag sa Ingles.
“Kapuri-puri ang Summary of Significant Findings ng Public Attorney’s Office Forensic Team (PAOFT) sa isandaan at sampu (110) na forensic examinations.Tatlumpu (30) sa mga kasong ito ay mayroon nang kumpletong histopathological exams. Ang pagsusuri ng aktuwal na documented cases ay nagbigay ng malinaw na death pattern sa mga sumailalim sa forensic examination”.
1. Kasama sa sinuri ng PAOFT ang walumpu’t isa (81) sa isandaan at pito (107) na mga bata ang ikinokonsidera na dating malulusog at walang history ng malubhang karamdaman o pagkakaospital.
2. Tatlo (3) sa vaccinees ang non-target adults.
3. Labintatlo (13) sa isandaan at sampu (110) ang na-diagnosed na may malubhang uri ng dengue.
4. Tatlumpung (30) kumpletong forensic examinations na may histopathological results ang nakasampa sa Department of Justice (DOJ), walo (8) sa mga ito ay mga kaso na hindi dapat naging bahagi ng mass indiscriminate vaccination dahil sa diagnosed contraindication sa immune challenge tulad ng pagpapabakuna.
5. Dalawapu’t pito (27) sa isandaan at sampu (110) na vaccinees ay may clinically diagnosed cerebral abnormalities at/o cerebral bleeding na nakita lamang pagkatapos mabakunahan.
6. Karamihan sa mga bata ay walang history ng dengue infection, maliban sa anim (6) sa isandaan at sampu (110) na may nauna nang clinical diagnosis ng dengue fever.
7. Ang vaccine recipients ay nakatanggap ng isa (1), dalawa (2) o tatlong (3) Dengvaxia vaccine, limampu’t isa (51) sa isandaan at sampu (110) lamang ang nakatanggap ng isang (1) dosis ng bakuna at ang karamihan sa kanila ay hindi nakatanggap ng karagdagang dosis dahil sa maagang paglabas ng mga sintomas o kamatayan bago pa dumating ang kasunod na scheduled immunization.
8. Ang vaccine recipients ay agad nagkasakit pagkatapos mabakunahan o ilang buwan pagkatapos nito (kadalasan tatlo hanggang apat na buwan) at nangailangan ng pagpapaospital, kadalasan sa mga karaniwang sintomas: sakit ng ulo, sakit ng tiyan, lagnat, may mga pagkakataon na mayroon ding pantal, pagdurugo ng ilong, panghihina ng katawan, nauutal na pagsasalita, pagbabago ng ugali, paghirap sa paghinga, pagkawala ng gana sa pagkain etc.
9. Ang vaccine recipients ay namatay pitong (7) araw hanggang ilang buwan (1-31) pagkatapos mabakunahan ng panghuling dosis ng Dengvaxia.
10. Ang karaniwang forensic examination finding ay paglaki ng mga laman-loob, malawakang pagdurugo ng iba’t ibang bahagi ng katawan, pinakakaraniwan ang findings na pagdurugo ng utak ng isandaan at lima (105) sa isandaan at sampung (110) vaccinees, pitumpu’t siyam (79) sa isandaan at lima (105) na ito ay malubha at sa huli ay humantong sa kamatayan ng recipient.
Ang PAOFT lamang ang nagsagawa ng isandaan at sampung (110) autopsies at tatlumpung (30) histopathological exams at napagtibayang matatag na koneksiyon sa apat (4) na serious adverse effects ng Dengvaxia sa kamatayan ng mga bata.
Ang masipag na PAO Forensic Team ay may natatanging post-mortem advantage (literally at figuratively) dahil sila lamang ang nagsagawa ng autopsies at histopathological exams sa site 24/7. Ang kaukulang PAO findings ay opisyal na dokumentado at isinapubliko nang may buong pahintulot ng mga magulang ng mga batang biktima.
Ang Hippocratic Oath (“Do no harm!”) ng mga manggagamot ay tunay na sagrado kay Dr. Cruz at sa PAOFT, sa pangunguna ng direktor nito na si Atty. Erwin P. Erfe, M.D. Pinahahalagahan at iginagalang din ito maging ng mga hindi doktor ng Medisina tulad namin sa PAO at marami pang ibang propesyunal at tanggapan sa loob at labas ng bansa na patuloy na nagmamalasakit sa kapwa at pinangangalagaan ang dangal ng paglilingkod sa bayan.
Ang kasagraduhan ng Hippocratic Oath ay nalapastangan nang may nanakit sa mga biktima sa pamamagitan ng nakamamatay na bakuna. Hanggang sa kabilang buhay ay dala-dala ng mga nasawing nabakunahan ang kanilang pisikal na mga sugat sa katawan at emosyunal na mga hiwa sa damdamin.
Maaaring maging mahaba ang paglalakbay patungo sa ganap na paghilom ng mga sakit na nilikha ng kalapastanganan sa Hippocratic Oath. Gayunman, may magandang panimula bilang unang hakbang para sa paghilom at ito ay ang paggawad sa mga biktima at kanilang mga pamilya ng pinakaaasam at pinakahihintay nilang katarungan.
(Itutuloy)





Comments