Magbantay at mag-ingat ngayong Traslacion 2019


KINUMPIRMA ng mga awtoridad na walang banta sa idinaraos na pista ng Itim na Poong Nazareno sa Maynila.
Gayunman, aabot sa 7,200 pulis ang ide-deploy habang nasa 2,000 sundalo naman ang ipakakalat para sa seguridad ng taunang Traslacion.
Pinapayuhan din ang mga deboto na maging alerto at agad isumbong kapag may nakitang kahina-hinalang gamit o bagay na inabandona.
Kaugnay nito, ingatan din ang mga gamit at huwag basta iwanan kung saan-saan upang makaiwas sa takot at abala.
Tulad ng nangyari kahapon sa Quirino Grandstand.
Isang abandonadong bag ang ipinagbigay-alam ng mga deboto na nakapila para sa ‘pahalik’.
Agad kinordonan ng mga awtoridad ang bag saka tumawag ng mga tauhan ng explosive and ordnance division ng MPD.
Bagama’t, may isang babae na nagsabing sa kanya ang nasabing bag, hindi pa ito agad ibinigay para makasiguro.
Matapos suriin, pawang personal na gamit ang laman ng bag.
Ilang minuto lamang ang nakalipas, isa na namang bag ang natagpuang abandonado malapit lamang sa pila ng mga deboto.
Nang buksan ng bomb squad, pawang mga panlatag na higaan o mauupuan ang laman nito.
Simpleng bagay na maaaring nakaligtaan lang pero, makapagdudulot ng alarma sa lahat.
Kaya mahalagang ingatan ang mga dala at higit sa lahat, ang sarili.
Huwag pilitin kung hindi kaya tulad ng taun-taon nang sinasabi, mauunawan ng Poong Nazareno kung hindi aktuwal na makababahagi sa Traslacion. Anumang oras o saanmang lugar, maaaring manalangin at humingi ng kagalingan at gabay mula sa Diyos.





Comments