Pahiwatig na manghihina ang pangangatawan kaya magiging sunud-sunuran sa ibang tao

Salaminin natin ang panaginip ni Edna ng Edna _Chavez@facebook.com
Dear Professor,
May itatanong ako tungkol sa panaginip ng aking anak na babae.
Ang sabi niya sa akin, ‘yung ngipin daw niya ay unti-unting lumuwag at naglalaglagan, pero may natira sa bagang.
Nang magising siya ay ikinagat niya ito kaagad sa unan at kahoy. Ano ang kahulugan nito?
Salamat!
Naghihintay,
Edna
Sa iyo Edna,
Alam mo, iha, ang ngipin ang pinakamatigas na bahagi sa katawan ng tao at ang panga naman ang pinakamalakas na parte.
Nakatutuwa, hindi ba, na ang panga na pinakamalakas ay ang may hawak sa pinakamatigas?
Kaya ang mga taong kung tawagin ay pangahan o malaki ang panga ay ang mga pinakamalakas na tao sa mundo.
Samantala, ang mga taong malalaki ang mga ngipin ay ang mga pinaniniwalaang mahahaba ang buhay.
Eh, ano kaya ang ibig sabihin kapag magulo ang ayos ng mga ngipin o kung tawagin ay sungki? Kaya mo bang hulaan? Eh, ano pa nga ba kundi magulo rin ang buhay.
Gayunman, ang pahiwatig ng panaginip na nalagas ang mga ngipin ay nagsasabing may mamamatay at para mapigilan na may mamamatay ay dapat ikagat sa unan o kahoy ang mga ngipin.
Parang sa mga hindi nakauunawa ng ganitong bagay dahil natatakot sa kamatayan, may ikukuwento ako sa inyo, alam n’yo ba na may isang Pinoy na nito lamang ay inalala natin ang kanyang kamatayan at ito ay si Gat Jose Rizal?
Alam mo, sabi niya, “kung sa langit tayo mabubuhay, bakit kinatatakutan ang oras ng kamatayan”?
May sense ang sinabi ni Rizal, hindi ba? Kasi tuwing haharap ang mga pari sa misa ng patay palagi nilang binabanggit ang tungkol sa “muling pagkabuhay”.
Bago tayo maligaw, balikan natin ang iyong panaginip. Ang panaginip na nalalagas ang mga ngipin ay nagbababala na ang nanaginip ay humihina, as in, she will be weak.
Puwedeng humina ang kanyang katawan, pero puwede ring mapabilang siya sa mga taong weak ang pagkatao na hindi kayang ipilit ang kanyang kagustuhan kaya siya ay makikitang sunud-sunuran sa mga taong sa kanya ay umaalipin.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments