KANINONG LARO ANG MAS MAUSOK, SA SIMULA NG BAKBAKAN NG NCRAA

BABALIK ngayong araw ang umaatikabong aksyon sa 26thNational Capital Region Athletic Association (NCRAA) sa Ugnayang La Salle. Susubukan ng defending champion Olivarez College na makamit ang kanilang ika-apat na sunod na panalo kontra sa Emilio Aguinaldo College-Cavite sa una sa apat na laro sa Grupo A simula 9:00 a.m. dito sa Dasma, Cavite.
Maganda ang itinatakbo ng Sea Lions kahit dikit ang lahat ng kanilang panalo na may pinagsamang 7 puntos na kalamangan. Ang Vanguard ay may dalawang sunod na talo para sa kartadang 1-2 panalo-talo.
Susundan ito agad ng pagharap ng De La Salle University-Dasmarinas sa kanilang mga bisita buhat sa Lyceum of the Philippines University-Laguna sa 10:30 a.m.
Nais bumawi ang Patriots sa 68-70 na pagkatalo sa Philippine Merchant Marine School habang ganado ang Pirates matapos nilang matala ang unang tagumpay laban sa EAC, 66-53, bago nagpahinga ang liga para sa Pasko at Bagong Taon.
Magtutuos ang magkapitbahay sa Las Pinas na PMMS at Saint Francis of Assisi College sa 12:00 ng tanghali. Malinis pa rin ang kartada ng Mariners sa 2-0 ngunit isang delikadong kalaro ang Doves na wagi sa kanilang huling dalawang laro matapos bumagsak sa Olivarez pagbukas ng NCRAA noong Nob. 27.
Sa huling laro ng 1:30 p.m. maglalaro ang dalawang paaralan na parehong gustong umiwas sa maagang bakasyon, ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at Asian Institute of Maritime Studies. Hindi pinalad ang Marshalls sa kanilang unang tatlong laro habang dalawang talo ang kasalukuyang kartada ng Blue Sharks.
Ito na ang panahon para lalong i-angat ng lahat ang kanilang laro dahil apat lang sa bawat grupo ang makapapasok sa knockout quarterfinals. Ang mga laro sa Grupo B para sa 2019 ay magsisimula sa Miyerkoles sa Pasig Catholic College.
Mga laro ngayon – Ugnayang La Salle 9:00 Olivarez vs. EAC-Cavite 10:30 LPU-Laguna vs. DLSU-Dasmarinas





Comments