IM DABLEO, NAGHARI SA ESPINO CHESS OPEN

HINIRANG na hari si International Master Ronald Dableo sa kabila ng pakikipaghatian niya ng puntos kina IM Jan Emmanuel Garcia at IM Roderick Nava sa huling dalawang rounds ng Amado Espino Chess Open sa Lingayen, Pangasinan.
Bahagyang bumagal ang atake ni Dableo, 5th seed at may rating na 2400, sa homestretch ng torneo pero sapat na ang walong magkakasunod na panalo na naiposte niya sa unang walong salang sa board para makaakyat sa trono. Kasama sa mga pinayuko niya sa kompetisyong umakit ng 150 woodpushers mula sa iba’t-ibang parte ng bansa sina Jinymm Jade Santos (round 1, Zambales), Rafael Caneda (round 2, Manila), Romulo Curioso (round 3, Manila), Kevin Mirano (round 4, Aklan), National Master Emmanuel Emperado (round 5, Manila), FIDE Master Christopher Castellano (round 6, Rizal), NM David Elorta (round 7, Makati) at IM Ricardo De Guzman (round 8, Antipolo City).
Kinasangkapan ni IM Paulo Bersamina, pang-17 sa pre-tournament favorites, ang naipon niyang 8.5 puntos para maisalba ang runner-up honors habang ang 6th ranked na si Garcia ay sumandal sa nakolektang walong puntos para kumpletuhin ang line-up ng podium. Kagaya ni Garcia, nakabuo rin ng 8 puntos sina Elorta, Castellano, NM Emmanuel Emperado, NM Giovanni Mejia, Nava, Mirano at FM Roel Abelgas. Pero dahil sa mas makinang na tiebreak points, nakuha ni Garcia ang pangatlong puwesto.
Samantala, pinatunayan ni Norwegian GM Magnus Carlsen na siya pa rin ang pinakamalupit na blitz chesser sa buong mundo nang dominahin niya ang 2018 King Salman World Blitz Championships sa St. Petersburg, Russia.





Comments