top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

SUPER DELON AT SI WONDER DOG BARON SA MARATHON

Nympha
Dec 30, 2018
4 min read

KUNG mayroong kasabihang ‘Dog is man’s best friend,’ pinatotohanan ito sa tampok na kuwento natin ngayon na ‘Dog is man’s best companion’ kung gaano katibay pagdating sa katapatan at pagkakaibigan ng ultra­marathoner at ng isang jack russel na doggie sa larangan ng tak­buhan, langoy at pagbibisikleta bilang mag­partner.

Si Delon D. Tongga, isang 37-anyos na ultra runner ay may kakaiba at natatanging alagang aso na si Baron na tinagurian niyang wonder dog. Si Baron ay running buddy niya at ito lang ang aso na pinapayagan na magparehistro sa mga long distance marathon.

“Inspirasyon ko po si Baron, everytime na may event kami sa ultra mary. Kung kaya niya kasi ay naiisip kong kaya ko rin. Si Baron ang nagpapalakas ng motibasyon ko para tumakbo ng 50-kilometro. Baron already ran and finish 160-km, 100-km at 120km. same pa rin ng tinatakbo ni Baron up to now,” proud na bungad na kuwento ni Delon.

Isang bagay din na nagpamotiba kay Delon upang ipag­patuloy ang pagpapalakas ng katawan ay noong ng ma-stroke ang kanyang ama noong 2014. “Ganyang may history na kami ng nasabing sakit ay sinimulan ko nang magpapayat, kahit mahirap at nakakatamad, sinikap kong seryosohin ang pagtakbo, upang makaiwas na rin sa ganyang karamdaman.”

Noon pa raw nais niyang magkaroon ng aso ng katulad ng kay Pacman na nakakasabay niya sa takbuhan, “Opo, sakto namang niregaluhan ako ng Tito ko. 4 months lang ang jack russel na ito, isinama ko na sa jogging. Grabe si Baron, full of energy, kahit hiningal na ako sa 4-km ay gusto pa rin niyang tumakbo. So, hayun napatakbo ako at dumagdag nang dumagdag ang mileage ko hang­gang mag-ultra na,” natutuwang pagbida ni Delon.

Kumpleto na sana ang buhay aktibo at pamilya ni Delon nang isang bagay ang hindi niya inaasahan. “Noong 2010 po, nangibang-bansa ang misis ko at hindi na po nakabalik sa aming mag-aama, mula noon hanggang nga­yon, solo parent na po ako. Ang bigat na pag­subok na maging tatay at nanay sa aking 2 anak. Dumating pa sa punto na hinabilin ko ang mga anak ko sa magulang ko dahil hindi ko kaya ang sitwasyon.”

Natauhan lamang daw si Delon nang sa­bihin sa kanya ng nanay niya na walang ibang magmamahal sa mga anak niya kung hindi siya. “Doon po nagsimulang gumaan ang buhay ko, noong ma-realize ko ay nagkaroon ng purpose at nabubuhay ako ngayon para sa kanila.”

Tinanggap ni Delon ng positibo ang mga pagsubok, masakit man at nagpahirap sa kanya, alam niyang ang dalawa niyang anak na sina Mika at Donel ang kukumpleto sa buhay ng marine transportation graduate ng PMI Colleges sa Sta. Cruz, Manila at ngayon ay empleyado ng RTC Brand 63 sa Calauag, Quezon bilang Data Entry Machine Operator 2.

“Napakasaya pong makatapos ng ultramarathon, ang mag-50km o mag-160km man ito, dahil sa part ko ay achievement iyon at alam kong safe ako dahil may kasama akong aso,” proud na wika ni Delon.

Para sa ating bida na si Delon, wala raw madaling ma­rathon kung pagbabasehan ang kondisyon ng panahon, “Kaya po hindi biro o i-underestimate ang katatagan at lakas ng loob ng mga ultra runners dahil rain or shine po kami ay tuloy ang sabak namin sa larangang minahal namin. Kung si Baron nga kahit maputik, basa ang tinatakbuhan niya, walang angal, energetic talaga, siya talaga ang pinaghuhugutan ko ng lakas,” patuloy na pagmamalaki niya sa tandem nila ng alaga niyang jack russel.

Iyong Bicol to Quezon na raw yata ang pinakamahirap niyang tinahak sa takbuhan na may habang 128-km kasama si Baron, habang ang pinakamadali naman ay ang 50-km na ruta na mula Tagaytay City to Kawit. “Bilang preparation po ay natutulog kami ni Baron ng buong araw, para hindi kami antukin sa unang 80km. Sa unang 10-km po ay umiinom kami ni Baron ng isang sachet ng hydrite. Kapag may na­daanan na hydration o pagkain like egg, iyong white egg sa akin, iyong yolk, kay Baron ko pinakakain. Kung saan kami abutin na karinderyang bukas, may kanin at ulam, kain kami ng alaga ko, konting pahinga o idlip.

Bukod daw sa pag-plaster niya sa kanyang paa ay may plaster din si Baron para hindi masugatan ang talampakan nila pareho. “Kung magdamag ang takbo, matutulog kami ni Baron ng 30-mins lalo na kung aabutin ng sobrang antok, planado tulog namin ng wonder dog ko para ‘di kami kulangin sa oras.”

Itinatangi ni Delon ang kakayahan, determinasyon at lakas ng kanyang alagang si Baron dahil bukod sa na­kakapag-ultra ang kanyang alagang aso ay malakas din ito sa languyan.

“Maging inspirasyon sana si Baron ng kapwa ko runner na kung ako nais kong makapag-set kami ng Guinness World record bilang aso na nakatakbo ng 160km sa single stage ultramarathon,” patuloy pang kuwento ni Delon.

Ikinalungkot lang ni Delon ay noong dalawang beses na silang nag-DNF o ‘do not finish’ ni Baron. “Yes I know my capacity, I know my dogs capacity. Twice iyon, iyong una ay Manila-to-Daet 342km, DNF @130km due to my knee injury at iyong 2nd DNF ay iyong Amphibrun 2017 sa swim leg, after 3km trail run and 1km swim, Baron was dehydrated so I decided to stop and DNR. Never ko naisip mag-Ninja o iyong so-shortcut dahil mostly sa mga ultramarathon na sinasalihan ko ay pure pain and fun lang naman, walang prize or reward mag-1st ka man, 2nd or 3rd. Kaya sino ba ang dadayain ko sarili ko lang kung gagawin ko yun. Isa pa kung si Baron nga nage-enjoy sa pagtakbo, dapat ako rin. Enjoy the long run enjoy the scenery, enjoy with may partner Baron and enjoy people along the way,” ngiting wika ni Delon.

Ibinida pa ni Delon na kahit mainit o maulan, every week­end may heat training sila ni Baron. “Sa start line po after gunstart nasa hulihan lang kami ng alaga ko, slow runner kami pero dire-diretso, mas nakakaabante kami or marami kaming naaabutan at nauunahang runners kapag umabot ng tanghali, dahil iyong ibang runners kapag kainitan na ay naglalakad na lang pero kami ni Baron, takbo pa rin at ine-enjoy namin ang event.”

“Sana nga rin po ay ma-recognized si Baron sa Guinness, na tanging aso Southeast Asia na naka-run ng 160-km in a single stage ultramarathon at dog with most finished ultra­marathon events. Kung mami-meet ko rin ang alagang aso ni Pacman na nakakasabay niya sa takbo, napakasaya po, isang malaking karangalan,” buong pagmamalaking pagtatapos ni Delon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page