top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

23 NA BUBUO SA PHL AZKALS SASABAK SA 2019 AFC ASIAN CUP

A.Servinio
Dec 29, 2018
2 min read

INILABAS na ng Philippine Football Federation (PFF) ang 23 pangalan na magbubuo sa Philippine Azkals sa kanilang makasaysayang paglahok sa 2019 AFC Asian Cup simula Enero 5 sa United Arab Emi­rates. Ang mga inaasahang mga sikat na beterano ay kabilang sa listahan subalit malaking hamon sa mga Pinoy ang pagkawala ni goalkeeper Neil Etheridge na nakatali sa kanyang koponang Cardiff City sa United Kingdom.

Kasama pa rin ang magkapatid na Phil Younghusband at James Younghusband ng Davao Aguilas at Stephan Schrock ng Ceres Negros. Tiyak na lalakas ang opensa sa pag­dagdag kay Javier Patino ng Buriram United sa Thailand na kagagaling lang sa injury.

Upang matakpan ang malaking puwang na iniwan ni Etheridge, magtratrabaho ng husto si Michael Falkesgaard ng Bangkok United sa Thailand bilang bagong pangu­nahing goalkeeper. Tutulungan siya ng mga baguhang sina Nathanael Villanueva ng Kaya Iloilo at Kevin Ray Hansen ng AC Horsens sa Denmark.

Walong iba pang taga-Ceres, ang kampeon ng 2018 Philippines Football League, ay kasali sa koponan sa katauhan nina Carli de Murga, Paul Mulders, Miguel Tanton, Patrick Reichelt, Curt Dizon, Kevin Ingreso at magkapatid na Mike Ott at Manny Ott at isa pang taga-Kaya na si Jovin Bedic.

Sasamahan sila ng mga Filipinong naglalaro sa ibayong dagat na sina Alvaro Silva ng Kedah sa Malaysia, John Patrick Strauss ng Erze­gebirge sa Alemanya, Daisuke Sato ng Sepsi OSK sa Romania, Iain Ramsay ng Sukhothai, Luke Woodland ng Suphanburi at Stephen Palla ng Bangkok United sa Thailand at ang kasalukuyang free agent na si Adam Tull.

Tatayong head coach ng Azkals si Sven Goran Eriksson. Bilang paghahanda, magda­raos ng ensayo ang Azkals sa Qatar kung saan nakatakda nilang harapin ang Vietnam sa isang friendly match sa Dis.31. Tutulak papuntang UAE ang koponan sa Enero 3 bago ang kanilang unang laro kontra Timog Korea sa Enero 7 sa Dubai.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page