Pati EDSA, kailangan nang mag-‘diet’
- BULGAR

- Dec 28, 2018
- 1 min read

LANG tulog na lang at 2019 na, may New Year’s Resolution ka na ba?
Siguro, marami pa rin na ang number 1 sa listahan ay ang pagda-diet.
Pati EDSA, mukhang mapapalaban d’yan.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pinag-iisipan nila ang tinatawag na ‘road diet’ sa EDSA.
Ito ‘yung pagdaragdag ng isang lane kapalit ng pagpapakipot sa kasalukuyang lanes.
Sa ilalim ng ‘road diet’, magiging 2.8 meters na lamang ang lawak ng isang lane sa EDSA mula sa kasalukuyang 3.4 meters.
Isa ito sa pinag-aaralan ng MMDA na solusyon upang mapagaan ang trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Sakaling maipatupad ang road diet, madaragdagan ng 6,000 sasakyan ang capacity ng kalye.
Nakasaad din aniya sa batas na ang pinapayagang lapad ng mga sasakyan ay hindi dapat lumagpas ng 2.5 meters.
Ibig sabihin, kahit maging 2.8 meters na lamang ang lapad ng isang lane sa EDSA ay mayroon pa ring sapat na espasyo para hindi magkagitgitan ang mga sasakyan.
Well, hangga’t may mga solusyon na maiisip, go lang nang go!
Umaasa tayo na pagsapit ng Bagong Taon, masosolb na ang malalang trapik dahil grabe na ang dulot nito hindi lang sa kabuhayan kundi maging sa kalusugan ng lahat.
Nariyan na ang polusyon, ingay, gulo at kung anu-ano pang aberya.
Kaya dapat lang na tapusin na ang problema sa trapiko.





Comments