Tinapyasan ang tainga kaya nagkadiperensiya ang pandinig

Salaminin natin ang panaginip ni Concon ng Concon_Posada@facebook.com
Dear Professor,
Araw-araw akong nagbabasa ng kolum ninyo sa BULGAR. Kaya gusto ko ring itanong kung ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?
Nanaginip ako na pinatapyasan ko raw ‘yung isang tainga ko, pero nagkadiperensiya ‘yung pandinig ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Salamat!
Naghihintay,
Concon
Sa iyo Concon,
Ganito ang sabi sa Sagradong Aklat, “kung ano ang kaloob sa iyo ng Dakilang Manlilikha, ‘yun ang para sa iyo.”
Dahil dito, kapag hindi sinunod ng tao ang nasabing utos ng Diyos, may katapat itong parusa. Ang utos ay palaging may parusa sa mga hindi susunod. Ito ay dahil alam ng Diyos na ang tao ay matigas ang ulo at marami ang hindi sumusunod.
Pero, sinabi Niya, “ang sinumang gagawin ang kalooban ng Diyos ay pagpapalain at bibigyan ng magandang kapalaran”. Kaya saan ka pa? Eh, di ru’n sa mas maganda, sundin mo ang kalooban ng langit.
Araw-araw na nagdarasal ang tao, ‘yung iba, nakalimutan na yata ang magdasal, pero sure na kapag nagdasal sila, sinasabi nila na “sundin ang kalooban mo rito sa lupa at maging sa langit.”
Ang problema lalo na sa mga Pinoy, hanggang sa salita lang ang mga dasal nila, kumbaga, hindi naman talaga nila nauunawaan basta idinarasal lang nila na wala talaga sa kanilang loob. Basahin mo, para malinaw, “sundin ang kalooban mo rito sa lupa at maging sa langit.”
Hindi ba, ang linaw naman na dapat tanggapin ng tao kung ano ang kaloob ng Diyos? Pero, kung ayaw mo bahala na sa iyo ang Diyos, hindi naman pinipilit ang pagsunod o pagsamba kay God.
Kaya kung talagang ayaw mong sundin ang kalooban Niya, eh, huwag ka nang magdasal dahil mas lalo lang dumarami ang iyong kasalanan.
Pero, ang mensahe ng iyong panaginip na pinatapyasan mo ang iyong tainga, pero nagkadiperensiya ka sa pandinig?
Ito ay nagsasabing, kung ano ang maririnig mo, huwag mo itong babawasan at daragdagan dahil kapag ang ibig sabihin nito ay hindi mo sinasabi ang buong katotohanan at ayon kay God, ang hindi nagsasabi ng buong katotohanan ay pagsisinungaling.
At palagay ko alam mo na ang isa sa mga utos ng Diyos ay bawal ang magsinungaling at alam mo rin na may parusa sa lalabag sa kautusan Niya.
Ang katotohanan ay nagsasabing, ang minsang pagsisinungaling ay hindi puwedeng ibilang sa mga tinatawag na sinungaling, kumbaga, tulad sa pag-inom ng alak, hindi puwedeng ibilang na lasenggo ang tao kapag paminsan-minsan lang siya uminom.
Kaya ang parusa ayon sa iyong panaginip ay nagsasabing, kapag binawasan mo ang iyong narinig, magkakaproblema ka sa buhay kung saan mawawalan ng tiwala sa iyo ang mga taong nasa paligid mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments