SALVADOR, HARI SA 14 NA MGA BANSA SA LAOS OPEN

KINORONAHAN ang untitled pawnpusher na si Louie Salvador ng Pilipinas bilang hari matapos na mangibabaw laban sa mga kinatawan ng 14 na iba pang mga bansa sa pagbaba ng telon ng 2nd Laos International Open Standard Chess Championships sa Vansana Hotel ng Vientiane Capital, Laos.
Pitong panalo, dalawang tabla at walang talo ang ipinakita ni Salvador (may FIDE rating na 2225) at ginawa niyang tulay papunta sa trono pagkatapos ng siyam na rounds ng bakbakan sa bansang ito sa Timog Silangang Asya kung saan nagsisimula nang sumigla ang larangan ng ahedres.
Malayong pangalawa si Colin Hornell ng Scotland (FIDE Rating: 2110) dahil sa kartada nitong pitong puntos mula sa pitong panalo at dalawang talo sa paligsahang umakit ng 48 na woodpushers mula sa iba’t-ibang bansa kagaya ng Indonesia, India, Canada, Pilipinas, USA, Thailand, Singapore, Malaysia, Scotland, Australia, Netherlands at Laos.
Nagtagpo sa pangatlong baytang sina International Master Mathew Tan ng Netherlands (FIDE Rating: 2422), Indian FIDE Master Sauravh Khherdekar (FIDE Rating: 2283) at FM Wiwatanadate Poompong (FIDE Rating: 1968) mula sa Thailand hawak ang rekord nilang tig-6.5 puntos.
Pero nang pairalin ang tuntunin sa tiebreak, nakuha ni Tan ang tersera, pumang-apat si Khherdekar at nakuntento sa panglimang posisyon si Poompong.
Kasalukuyan pang ginaganap ang labanan sa rapid chess at blitz chess ng paligsahang inorganisa ni Inthava Vilavane at ng Laos Chess Federation.





Comments