top of page

Imbes na sa float sumakay… COCO, INIRAMPA ANG MAMAHALING SASAKYAN SA PARADE OF STARS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 24, 2018
  • 2 min read

Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

SA kabila ng walang humpay na buhos ng napakalakas na ulan sa mismong araw ng Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival 2018 na ginanap kahapon, hindi nito napigilan ang mga artista ng walong pelikulang kalahok para pumarada at magpasaya ng mga fans.

Dahil sa tuluy-tuloy na pag­buhos ng ulan ay lumambot ang lupang kinatitirikan ng karosa ng walong pelikulang kalahok sa MMFF at naantala ang parada na inaabangan ng mga excited na fans at mis­mong stars ng bawat movie.

Nakatakda sanang ma­g­­­si­­­mula ang parada nang 1:00 PM ngunit lagpas ala-una nang ha­pon na ito naka­pagsimula.

Ang karosa lang ng peliku­­­lang Fantastica ni Vice Ganda ang nakausad at nakaparada sa simula. Ilang oras ding naantala ang parada dahil sa pag­ka­ka­balahaw ng ilang karosa, ngunit ginawan ito ng paraan ng MMDA at hinila ang mga lumu­bog na karosa gamit ang towing trucks.

Dahil dito, hindi na nga nasak­yan ng ilang artista ang pinag­hirapan nilang float at ginamit na ang sarili nilang mga sasakyan.

Isa na rito si Coco Martin na ibinida ang mama­haling mala-tankeng sasak­­yan na ginamit sa paglili­bot sa ruta ng parada.

To the rescue rin ang Philippine National Police sa kampo ni Coco dahil ipi­naga­mit nila ang kanilang sasakyan para maka­sakay ang ilang kasamahan ng aktor sa Jack Em Popoy: The PulisCredibles. Kabilang sina Maine Mendoza at Vic Sotto sa mga sumakay dito.

Ganunpaman, hindi itinigil ng Metro Manila Development Authority ang parada kahit na ilang oras itong naantala dahil wala nang ibang araw na paglilipatan nito at mag­sisimula na nga ang showing bukas (December 25).

Sa kabila ng pagka­kaantala dahil sa lakas ng ulan, hindi pa rin nagpapigil ang mga supporters ng bawat pelikula na nagpapa­hiwatig na tuloy na tuloy pa rin at dadagsain ang walong entries ng MMFF 2018.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page