Simbang Gabi nauwi sa rambol, tsk-tsk-tsk!


KASABAY ng idinaraos na Simbang Gabi, kapansin-pansin ang iba’t ibang eksena sa loob at labas ng Simbahan.
May mga nakatuon sa misa at taimtim na nagdarasal, meron ding nakakatulog na habang ang iba ay busy sa pakikipagkuwentuhan.
Ang masaklap, habang nagsesermon ang pari sa loob, may mga nagbubugbugan naman sa labas.
Tulad ng insidente sa San Bartolome Church sa Lungsod ng Malabon.
Nabulabog ang mga dumadalo sa Simbang Gabi makaraang sumiklab ang rambol sa pagitan ng dalawang grupo ng mga kabataan.
Nasa 30 kabataan ang nagbatuhan sa compound ng Simbahan.
Bagaman, nagpatuloy ang misa, ang mga nagsisimba na sa labas nakapuwesto ay nagtakbuhan dahil sa takot na madamay sa gulo.
Ang simbahang ito ang isa umano sa mga tinututukan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa mga nagkakainitang kabataan.
May mga grupo na nagtatawanan, may naghaharutan, kantiyawan, hanggang sa mauwi sa pikunan. Meron ding nagkatinginan lang, gulo na ang kasunod.
Kung taun-taon ay ganito ang senaryo sa ilang Simbahan, dapat nang umaksiyon ang mga namamahala rito.
Gumawa na ng hakbang para maiwasan ang gulo tuwing Simbang Gabi dahil kung wala silang aksiyon, malamang ang gobyerno o kapulisan na ang kikilos.
Sa mga pasaway d’yan na nagsisimba kuno, magsitulog na lang kayo kaysa mamerhuwisyo!





Comments