Pahiwatig na nawawalan ng kumpiyansa sa sariling ganda
- BULGAR

- Dec 22, 2018
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Ma. Leoniza ng Maria_Leoniza@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na nakapulot daw ako ng kuwintas na may gold pendant? Isang gabi lang ang nakalipas mula nang mapanaginipan ko ‘yun, pero hanggang ngayon ay pabalik-balik sa isip ko ang tanong kung ano ba ang ibig sabihin nito? Sana, masagot ninyo ito. Salamat!
Naghihintay,
Ma. Leoniza
Sa iyo Ma. Leoniza,
Ang kuwintas ay isa sa mga masuwerteng bagay na napananaginipan. Ito ay simbolo ng ganda ng tao, babae man o lalaki. Kakaibang sigla ang nadarama ng taong may suot na kuwintas, ito ay dahil ang kanyang ganda ay masasabing nasa todong-lakas.
Dahil dito, sa mga araw na ito, ang iyong napanaginipan ay aabot pa sa maraming araw kung saan feel na feel mo na ikaw ay maganda.
Pero, bakit ba ito kailangang mapanaginipan?
Ang totoo, nalulungkot ka. Oo, may lungkot sa iyong mga mata, kilos at maging sa pananalita kung saan mapupuna ang iyong itinatagong lungkot dahil ang panaginip ay ipinagkaloob ng Dakilang Manlilikha sa bawat tao para magsilbing “defense mechanism” sa kanyang buhay. Ang depensa-natural na ito ay awtomatikong gagana kapag ang tao ay nakararanas ng hindi magandang pangyayari na puwedeng sumira sa kanyang diskarte sa buhay.
Kaya ang panaginip ay “defense mechanism” na tumutulong sa tao para muling bumalik o maayos ang hindi magaganda sa kanya.
Tulad ng nasabi na, malungkot ka at wala kang sigla, pero ang panaginip mo ang magbibigay sa iyo ng panibagong lakas. At ang isa sa mga paraan upang manumbalik ang sigla ng tao ay ang madama niya na siya ay maganda.
Baka sabihin mo ay binobola o pinasasaya lang kita? Kaya bilang katuwaan, pero isa ring seryosong bagay, bakit hindi mo subukang lumakad at pumunta sa inyong salamin para makita mo ang iyong kagandahan?
Gawin mo ito at iyong malalaman na ang iyong panaginip ay nagsasabing huwag mong kalilimutan na ikaw ay maganda.
Kaya ang pahabol na payo para sa iyo, mahalin mo ang iyong ganda at huwag mong hahayaan na dahil lang sa lungkot ay mawawala ang kumpiyansa mo sa iyong sarili.
Kaya ang masayang balita na nakaugnay sa panaginip ay nagsasabing ang maganda ay mamumunga ng magagandang kapalaran at “that is the beauty of being beautiful”.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments