2ND PLACE ANG PINOY SA QATAR WORLD 9-BALL

NASAKSIHAN sa pangalawang sunod na taon ang pagpasok sa podium ng bilyarista mula sa Pilipinas matapos na mahablot ni Carlo “The Black Tiger” Biado ang pangalawang puwesto sa malupit na World 9-Ball Championships sa loob ng Al Arabi Sports Club ng Doha, Qatar.
Lumahok sa torneo ang isa sa pinakamalakas na pulutong ng manunumbok sa buong mundo tulad nina World Pool Billiards Association no. 1 Eklent Kasi ng Albania, WPA no. 2 Jung Lin Chang ng Taiwan, dating kampeon na si Alex “The Lion” Pagulayan, WPA no. 4 Pin Yi Ko ng Taiwan, two-time runner-up at Mosconi Cup hero na si Shane Van Boening ng USA at WPA no. 6 at Taiwan gem Lin Wu Kun pero umangat laban sa kanila sina Biado at ang nagkampeong si Joshua Fuller ng Germany.
Noong 2017 na edisyon ng prestihiyosong paligsahan na nagkaloob ng kabuuang $200,000 sa mga nakapasok sa winners’ circle, isang 1-2 finish ang nairehistro ng Pilipinas.
Sa torneong ito ngayong 2018, kumamada si Biado, WPA no. 3 at World Games gold medalist, ng mga panalo kontra kina Boening (11-6, semifinals), Lin (11-4, quarterfinals), Konrad Juszczyszyn ng Poland (11-7, round of 32), ang Intsik na si Wu Jiaqing (11-9, round of 16), pambato ng Ukraine na si Vitaliy Patsura (11-9, round of 64), Argentinian Jorge Llanos (9-3, preliminary) at Sergey Lutsker ng Russia (9-5, preliminary) para sa bridesmaid performance. Sa finals, kinapos ang Pinoy kontra sa Aleman (10-13) kaya nakapag-uwi ng $40,000 si Fuller habang si Biado naman ay nagbulsa ng $20,000.





Comments