MIGHTY SPORTS TEAM, PINALAKAS PA, COLLEGIATE PLAYER PA-DUBAI C’SHIPS


DALAWANG manlalarong nagpakita ng impresibong performances sa nakaraang UAAP Season 81 men’s basketball tournament ang kinuha ng Mighty Sports upang lalo pang maging palaban ang koponan sa gagawin nilang pagsabak sa darating na Dubai International Basketball Championship.
Ang dalawang collegiate standouts na hindi lamang magkakaroon ng tsansang maging kinatawan ng bansa sa nasabing cagefest kundi mabigyan ng pagkakataon na makalaro kasama ng dating NBA 2-time champion bilang LA Lakers na si Lamar Odom ay sina Santy Santillan ng De La Salle at Mythical Team member Juan Gomez de Liaño ng University of the Philippines.
Bukod sa dating Team USA 2004 Olympics at 2010 FIBA World Championship member na si Odom, magiging kakampi din ng dalawang collegiate standouts si Barangay Ginebra import Justin Brownlee.
Kinuha rin ng Mighty Sports para tiyaking isang competitive team ang kanilang isasabak ay si American Randolph Morris, ang import ng Beijing Ducks sa CBA (China Basketball Association). (VA)





Comments