Dagdag-trabaho sa mga Pinoy, larga!


DAHIL umano sa “Build, Build, Build Program” ng gobyerno, tumaas ang bilang ng mga Pinoy na may trabaho.
Sa kabila ito ng kontrobersiya sa agawan ng trabaho sa pagitan ng mga Intsik at Pilipino.
Base sa Labor Force Survey noong October 2018 ng Philippine Statistics Authority (PSA), nagkaroon ng 826,000 dagdag-trabaho ngayong taon.
Ayon sa datos, 41.160 milyong Pinoy ang employed ngayon, mas mataas kumpara noong 2017.
Nakapagtala rin ng 411,449 trabahador na na-regular sa trabaho.
Sa nasabing bilang, 70 percent ang boluntaryong ini-regular ng kanilang employers at 30 percent naman ang na-regular matapos atasan ng DOLE ang kumpanya na isailalim sila sa regularization.
Siyempre, may mga pasaway pa ring kumpanya na hindi sumusunod dito na kailangan pang habulin hanggang sa susunod na taon.
Gumanda rin ang kalidad ng employment sa bansa matapos tumaas ang bilang ng mga mayroong stable at full-time na trabaho.
Gayunman, ang underemployment ay umabot sa 6.735 milyong Pinoy na mas mataas ng 3.5 percent kumpara noong nagdaang taon.
Napakahalaga ng trabaho, ito ang pangunahing tagasalba sa kahirapan.
Minsan, kahit gaano pa kasipag ang tao kung sadyang mailap ang pagkakataon, nganga!
Kaya sana, ipagpatuloy ng pamahalaan ang pagbubukas ng mga oportunidad sa lahat.





Comments