top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kahulugan na gaganda ang takbo ng buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 19, 2018
2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Mylah ng Mylah_Gonzaga@facebook.com

Dear Professor,

Gusto kong ipaanalisa ang panaginip ng ate ko. Ganito ‘yun, alas-dos ng madaling-araw nang managinip siya. Sa kanyang panaginip, katabi niya ako at si mama sa pagtulog. Naalimpungatan siya dahil may maingay daw sa labas, ‘yun pala, si papa ‘yun at ang kapatid ko na naghahanda para bumiyahe papuntang Pagadian City.

Inaantok pa si ate, pero kailangan niyang bumangon para maligo, gigisingin nga raw sana niya ako para magpasama, pero mahimbing ang tulog ko, kaya hindi na niya ako ginising. Pagkatapos niyang maligo ay natulog ulit siya. Kinaumagahan, late na raw siyang nagising, nakita niya ako na naglalaba sa lababo. Tinanong pa nga niya ako kung nasaan daw si papa at si bunso, sumagot naman daw ako ng “nagpunta sa Pagadian”.

Pero, hindi ako tumingin sa kanya, nakayuko pa rin daw ako at naglalaba. Nagpunta siya sa kalan at may na­kita umano siyang apoy na kulay pula at may ka­kaunting kulay asul. Nilapitan niya ‘yung apoy at pi­natay, pagkatapos ay tinawag niya ako sa aking pangalan ng tatlong beses, pero hindi na raw ako sumagot.

Pagtingin niya sa lababo, wala ako ru’n. Tinanong niya si mama kung nasaan ako, ang sabi ni mama “wala siya rito, isinama ni papa at ni bunso sa Pagadian”. Nagtaka si ate kung bakit ganu’n ang nangyari, eh, kakikita pa lang niya sa akin.

Ano ang ibig sabihin nito? Sana, masagot ninyo. Salamat!

Naghihintay,

Mylah

Sa iyo Mylah,

Sa panaginip, walang masamang nangyari sa iyo, ‘di ba, kaya bakit ka kakabahan?

Ang kabuuang panaginip ng iyong ate ay nagsasabing, sobrang lungkot ng buhay niya sa kasalukuyan, maaaring hindi niya aminin, pero kitang-kita na may malalim siyang lungkot na itinatago.

Kaya ang payo ng panaginip mo ay magkuwentuhan kayo, ‘yung simpleng kuwentuhan lang at kumustahin mo ang kanyang buhay. May mga pangarap ba siyang gustong gawin, pero hindi niya magawa? May mga pangyayari bang hindi maganda na kahit ayaw niyang mangyari ay naganap na?

May mga pumipigil ba sa mga gusto niyang gawin? Natatakot ba siya sa mga hamon ng kapalaran? Mas maganda kung mahaba ang maikukuwento niya dahil ayon sa mga dalubhasa sa sikolohiya, kapag malayang nailalahad ng tao ang kanyang mga saloobin, giginhawa at gaganda ang takbo ng kanyang buhay.

At isa pa, mas maganda kung hindi siya mananaginip ng mga bagay na may matinding pag-aalala. At kanyang mga panaginip sa maniwala ka o hindi ay makikitang isa siyang prinsesa na nabubuhay sa magarang palasyo na punumpuno ng kaligayahan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page