Dalawang ahas

Salaminin natin ang panaginip ni Ghiena ng Ghiena_Lipatagud@facebook.com
Dear Professor,
Itatanong ko lang kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na mayroon daw dalawang ahas at ‘yung isa ay papunta sa akin, tapos nu’ng bumangon daw ako, may baby na nakahiga kaya kinuha ko ito dahil nasa tabi raw niya ang ahas?
Pagkatapos nu’n, tumuntong ako sa puting upuan habang karga ko ‘yung baby habang nakatingala sa amin ‘yung ahas. ‘Yung isa namang daw ahas ay may mga batik na kulay puti, matingkad at maganda ‘yung mga batik niya.
Ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?
Naghihintay,
Ghiena
Sa iyo Ghiena,
Ang nakatutuwa at masayang balita sa iyong panaginip ay nagsasabing, taglay mo ang kakayahang makapagpagaling ng mga sakit o karamdaman.
Mayroon bang may sakit sa inyo? Pagalingin mo!
Mayroon bang sakit na matagal nang iniinda ang kaibigan mo? Pagalingin mo siya!
Huwag kang mag-alinlangan dahil sila ay tiyak na gagaling sa kanilang karamdaman. Pero, kahit pa may pag-aalinlangan ka, subukan mo pa ring pagalingin sila dahil ang taong may taglay na kakayahan sa panggagamot, may pag-aalinlangan man o wala sa kanilang kakayahan ay hindi na gaanong mahalaga dahil hindi nakababawas sa kanilang taglay na kapangyarihan ang pag-aalinlangan.
Eh, ano naman ang isa pang ahas sa panginip mo na para sa anak mo? Ito ay nagsasabing, siya rin ay may kakayahang makapagpagaling. Kaya paglaki niya ay makapagpapagaling din siya ng mga may sakit.
Ang ahas, noon pa man at hanggang ngayon ay simbolo ng medisina. Ito ay buhay sa nakasulat sa Banal na Aklat na isa sa mga mahahalagang kasaysayan ni Moses, ang Dakilang Propeta.
Ganito, Ghiena, ang banal na kuwento: Nang magkasakit ang mga tao ay hindi sila mapagaling ng mga doktor at dalubhasa sa panggagamot, kaya kinausap si Moses ng Diyos, ang sabi Niya ay maglagay ka ng ahas sa poste na ilalagay mo sa plaza at ang sinumang tumingin sa ahas ay tiyak na gagaling.
Sinunod ni Moses ang utos ng Diyos at naglagay siya ng ahas sa poste sa plaza sa bayan at ang lahat ng may sakit na tumingin sa ahas ay gumaling mula noon, ang ahas ay ginamit na simbolo ng makabagong medisina.
Kaya ano pa ang hinihintay mo? Pagalingin mo na ang mga taong may sakit dahil muli, nagdududa ka man o hindi, mapagagaling mo ang mga may karamdaman.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments