OLIVAREZ SA 3rd WIN VS. MUNTI SA NCRAA

NASUNGKIT ng defending Olivarez College ang ikatlong sunod na panalo kontra sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, 81-78, sa pagpapatuloy ng 26th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) noong Huwebes sa A. R. Valdez Hall ng PATTS College of Aeronautics. Nagtagumpay din ang Centro Escolar University laban sa De Ocampo Memorial College, 78-70, Philippine Merchant Marine School kontra De La Salle University-Dasmariñas, 70-68, at Lyceum of the Philippines University-Laguna laban sa Emilio Aguinaldo College-Cavite, 66-53.
Kahit natatalo ng 9 puntos, 59-68, ibinuhos ng Olivarez ang huling 12 puntos ng laban at na-blanko ang Marshals ng huling anim na minuto.
Namuno sa paghabol si Dwight Saguiguit na nagtapos na may 21 puntos, 9 na rebound at apat na assist habang nagdagdag ng 11 puntos at 8 assist si Joshua Almajeda at ang Sea Lions ang unang koponan na nakatala ng tatlong tagumpay.
Ang inasahang mainit na tapatan ng CEU at De Ocampo ay hindi nangyari at iniwan agad ng Scorpions ang Cobras sa first half pa lang, 46-27, kung saan nagbagsak agad ng 24 puntos si Rich Guinitaran.
Nagtapos si Gunitaran na may 29 puntos at tinulungan siya nina Tyron Chan na may 14 puntos, 6 rebound at 5 assist at Joshua Abastillas na may 13 puntos at 9 rebound upang itulak ang Scorpions sa ikalawang sunod na panalo.
Dikit din ang sagupaan ng PMMS at DLSU-D kung saan naagaw ng Mariners ang kalamangan, salamat sa buslo ni Kurt Sunga na may 1:06 nalalabi sa orasan, 69-68. Nagdagdag ng isa pang free throw si Sunga para magtapos na may 15 puntos, 6 na rebound at 7 assist habang ipinasok ni Eugene Cabauatan ang tatlong tres para sa 17 puntos.
Samantala, naabot ng LPU ang unang panalo sa kanilang pagsali sa NCRAA. Hawak ng Pirates ang lamang sa buong laro salamat sa mahusay na ipinakita nina Shawn Algire at Jem de Ocampo na parehong may 13 puntos at Jiether Macatangay na may 12 puntos.Magpapahinga ng saglit ang 26th NCRAA para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon. Babalik ang aksyon sa Enero 7 sa Muntinlupa Sports Center.





Comments