Bukod sa Vitamin C na taglay nito, mga besh! PAG-INOM NG ORANGE JUICE, NAKAI-IMPROVE NG MEMORY!
- BULGAR

- Dec 14, 2018
- 2 min read

ANG orange juice ay hindi lamang basta inumin na kadalasang nasa hapag-kainan tuwing agahan o tanghalian. Ayon sa pag-aaral, ang pag-inom ng isang baso ng orange juice araw-araw ay nakapagpapababa ng tsansa sa pagkakaroon ng dementia. Wow!
Ang pag-aaral ay tumagal ng dalawampung taon kung saan 28,000 kalalakihan ang sinubaybayan ng mga researcher tungkol sa epekto ng kanilang pagkonsumo ng mga gulay at prutas. Napag-alaman ng mga researcher na ang pag-inom ng isang baso ng orange juice kada araw ay nakagaganda ng memorya. Ang pagkakaroon ng hindi magandang memorya ay isa sa mga senyales ng brain decline na maaaring mapunta sa dementia.
Ayon sa mga eksperto, ang gulay at prutas ay sagana sa bitamina at nutrisyon tulad ng antioxidants na nakatutulong upang protektahan ang utak.
Dagdag pa rito, ang mga benepisyo na makukuha mula sa gulay at prutas ay nakatutulong upang mapigilan ang pamumuo ng mga unwanted molecule upang mamantina ang magandang supply ng dugo sa utak.
Gayundin, mayroong Vitamins B1, B6 at C ang nasabing inumin ay nakapagbibigay ng positibong epekto sa ating cognitive function.
Samantala, habang isinasagawa ang pag-aaral, hinati sa dalawang grupo ang mga kalahok mula sa pinakamaraming nakonsumong gulay at prutas hanggang sa pinakakaunti.
At upang malaman kung paano nakaapekto sa memorya ng mga kalahok ang nasabing inumin, nagsagawa ang mga researcher ng karagdagang tests sa kanila.
Matapos ang karagdagang tests, lumabas sa resulta na 8.4 na porsiyento sa mga kalahok mula sa grupo na hindi regular na umiinom ng orange juice ang mayroong mababang memory skills kumpara sa kabilang grupo na mayroong 6.9 na porsiyento.
Ayon kay Dr. Hannah Gardener, wala pang nadidiskubreng lunas sa dementia, ngunit, maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng pag-intake ng mga pagkain na punumpuno ng sustansiya. Bagama’t, nakagaganda ng memorya ang regular na pag-inom ng orange juice, inirerekomenda ng mga eksperto na natural na juice na lamang ang inumin upang makasigurado na may sustansiya kayong makukuha mula rito.
Pero, bukod dito, uminom din ng maraming tubig nang sa gayun ay mabalanse ninyo ang fluids na mayroon kayo sa katawan. ‘Ika nga ng mga dalubhasa, mas maraming tubig na nai-intake, mas mainam. Kaya mga sis at bro, ugaliin natin ang regular na pagkain ng gulay at prutas, gayundin ang pag-inom ng orange juice upang maagapan ang pagkakaroon ng dementia.
Basta huwag lang sosobra dahil baka urinary track infection (UTI) naman ang makuha ninyong sakit mula rito, nakaalala ka nga, may UTI ka naman. Gusto mo ba ‘yun? Hi-hi-hi!





Comments