DAVAO TANKERS AT PALAWAN ATHLETICS, PETMALU SA BRUNEI
- Clyde Mariano / MC
- Dec 10, 2018
- 1 min read

TULOY ang ratsada ng Davao swimming team, habang ipinamalas ng Palawan ang matibay na programa sa athletics sa impresibong panalo sa ikalawang araw ng kompetisyon nitong Sabado sa 10th Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines-Northern Territory-East Asia Growth Area (BIMPNT-EAGA) Friendship Games sa Hassanal Bolkiah National Stadium sa Brunei.
Itinanghal na unang Pinoy double gold medalist si Fritz Jun Rodriguez nang pagbidahan ang Davao sa dominanteng panalo sa 100 meter breast stroke sa tiyempong 1:09.59. Nauna nang nadomina ng 17-anyos at ngayo’y recruit ng San Beda College ang 50-meter breast sa pagsisimula ng swimming event nitong Biyernes.
Kapwa sinungkit nina Jessel Lumapas at John Lloyd Cabalo, magkababaryo sa San Vicente, Palawan, ang gintong medalya sa women’s at men’s 400 meters.
Nailista ni Lumapas ang winning time na 57.47 segundo, habang nakatawid sa finish line si Cabalo sa tiyempong 50.14 segundo.
Sa darating na pasukan, kapwa bahagi ng National University scholarship program sina Lumapas at Cabalo. Nakamit din ni Lumapas ang silver medal sa century dash sa tyempong 12.65. Nagwagi rito si Chelsea Cassioppea Evalib ng Sabah sa pinakamabilis na oras na 12.35.
Suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, gayundin ng pamahalaang pambayan ng Davao at Palawan at Mindanao Development Authority ang partisipasyon ng may 100 atleta at supporting personnel dito. Si Commissioner Charles Raymond Maxey ang Chief of Mission.





Comments