Revilla out; Trillanes, in sa selda?

AFTER 4 years, inabsuwelto ng Sandiganbayan si dating Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., sa kinaharap nitong plunder case kaugnay sa pork barrel fund scam.
Ayon sa korte, hindi sapat ang nailahad na ebidensiya para patunayan ang kaso ni Revilla kaya ito ibinasura.
Matatandaang, inakusahan ang senador na kumamal ng P224.5 million kickback sa pakikipagtransaksiyon nito umano kay Janet Lim-Napoles.
Samantala, guilty naman ang naging hatol ng hukuman kay Napoles at sa dating tauhan ni Revilla na si Atty. Richard Cambe.
At habang nangyayari ito, nagpalabas naman ng warrant of arrest ang Davao City Regional Trial Court Branch 54 laban kay Senator Antonio Trillanes IV, kaugnay sa kasong libelo na isinampa ni Presidential Son Paolo Duterte.
Sa inilabas na warrant of arrest, ipinag-utos ni Judge Melinda Alconcel Dayanghirang ang pagdakip sa senador.
Samantala, P24,000 ang inilatag na piyansa ni Judge Dayanghirang para sa pansamantalang kalayaan ni Trillanes.
Sadyang makulay ang politika. Maraming nangyayari at hindi maubus-ubos ang mga kontrobersiya.
‘Yung mga nakapiit noon, isa-isa nang lumalaya ngayon habang silang mga nagpakulong sa kanila noon, sila naman ang nasa selda ngayon.
‘Ika nga, weder-weder lang ‘yan!


Comments