Kaya todo-nerbiyos nang sumali sa Mr. Pogi search… COCO, AMINADONG WALANG TALENT


AMINADO si Coco Martin na talaga namang nahirapan siya nang husto sa isang eksena sa pelikulang Jack Em Popoy: The PulisCredibles kung saan ay makikitang sumali siya sa Mr. Pogi ng Eat… Bulaga!.
Pakiramdam daw niya ay hindi eksena lang ang ginagawa niya kundi parang totoong sumali siya dahil nerbiyos na nerbiyos siya.
Ideya raw ni Direk Mike Tuviera at ng writer na isama sa pelikula ang Eat… Bulaga! kung saan ay sumali nga siya sa Mr. Pogi search.
“Actually, honestly, ako po, kung ako ang tatanungin, hindi ko talaga kayang gawin ‘yung eksenang ‘yun,” natatawang simula ni Coco sa grand mediacon ng Jack Em Popoy: The PulisCredibles.
“Eh, kasi, may talent portion, eh, wala naman akong talent. May question and answer, saka may talent portion.
“Nu’ng isinu-shoot po namin talaga siya, as in sabi ko, siguro, lagpas yata ng 10 takes ako du’n. Nu’ng ipapakilala pa lang ako, and then, after that, siyempre, may rehearsal pa, sasayaw ako, magra-rap ako, kumbaga, parang… ‘yung nerbiyos, pakiramdam ko, totoo siyang ano, totoo akong sumali ng Eat… Bulaga!.”
Noon daw ay nakapag-guest na rin siya sa Eat… Bulaga!, noong panahong nasa Daisy Siyete siya. Nag-promote raw sila sa EB! at nagsayaw sila.
“‘Yung nerbiyos po, parang totoong-totoong contest po. Kaya nu’ng nandu’n ako, naka-ilang takes ako, tapos, honestly, hindi ko siya matapus-tapos, pero ‘yun, finally, pinagtiyagaan po ako ni Direk Mike kaya naano po namin,” kuwento pa ng Kapamilya Primetime King.
“Kaya, sabi ko nga, kung merong pinaka-memorable sa akin sa buong pelikula, ‘yun po, sumali po ako sa Eat… Bulaga!.”
Dagdag naman ni Direk Mike, talagang noon lang niya nakitang sobrang kinabahan si Coco at inilagay daw nila ‘yun sa bloopers after the movie kaya payo niya sa mga manonood, huwag munang tatayo pagkatapos ng pelikula.
As we all know ay isang Kapamilya actor si Coco at siyempre, baka may maka-misunderstand sa eksena na mapapanood siyang sumali sa Mr. Pogi ng EB! sa kabilang istasyon.
“Pero wala naman kaming nakikitang masama kasi ginagawa naman natin itong pelikulang ito para sa mga tao, para mapaligaya natin ‘yung mga tao,” sey pa ni Coco.
Ang Jack Em Popoy: The PulisCredibles ay kauna-unahang pagkakataon na nagsama sina Coco, Maine Mendoza at Bossing Vic Sotto sa isang pelikula.
Ito rin ang unang pagkakataon na magsasama in one movie ang Eat… Bulaga! family at ang FPJ’s Ang Probinsyano family.





Comments