top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

AMIT, PUMORMA NA SA CHINA 9-BALL; CORTEZA AT BIADO SA PACMAN 10-BALL

Eddie M. Paez Jr.
Dec 8, 2018
1 min read

NAGPARAMDAM ng pangkampeonatong porma si Rubilen “Bingkay” Amit sa pamamagitan ng dalawang magkasunod na panalo sa stage 2 ng ginaganap na 2018 Women’s World 9-Ball Championships kung saan 64 kababaihang bilyaristang may tsansa pang makaakyat sa trono ang hinati sa walong pangkat sa loob ng Sanya Sports Center Gym sa Hainan Province, China.

Nasa Group B ang two-time world 10-ball champion na si Amit at pinataob niya ang Intsik na si Huai Yi Ng, 7-1, bago nasaksihan ang tatag ng pulso kontra sa Haponesang si Miyuki Kuribayashi, 7-6 sa kom­petisyong naglalaan ng USD 175,000 na papremyo sa mga makapapasok sa winners’ circle.

Puntirya ng Pinay, World Pool Billiards Association (WPA no. 8) na mapabilang sa top 4 ng grupo upang makasibad sa last 32 ng torneong magkakaloob ng USD 44,000 sa magkakampeon.

Samantala, maasim ang arangkada ni two-time SEA Games titlist Chezka Centeno nang tumiklop sa hamon ni Fu Xiaofang ng China, 2-7, sa Group C ng paligsahang isinasaayos ng Chinese Billiards & Snooker Association at Beijing Guoao Zhonghe Culture Company. Samantala, pinangunahan nina Lee Van Corteza, Mika Immonen, Carlo Biado at Yeh Chen Lun ang pulutong ng mga manunumbok na umusad sa round 3 ng 2018 Sen. Emmanuel D. Pacquiao 40th Birthday 10-Ball Tournament sa Verrazano Mall ng General Santos City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page