top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ang daing at iyak ay sinagot sa pamamagitan ng hatol ng hukuman... HUSTISYA SA PAGKAMATAY NI KIAN DE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2018
  • 3 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

SA madilim na pusalian na wala halos masusuli­ngan ang menor-de-edad na si Kian Lloyd delos Santos, 17 taong gulang, doon siya kinaladkad papalayo sa lu­gar na pinagparadahan ng mobile patrol. Mga isan­da­ang (100) metro ang layo mula sa bahay nina Kian, gayundin sa barangay hall at ta­bindaan. Nagmamakaawa si Kian: “Tama na po, tama na po may exam pa po ako bukas.” Nakasuot siya ng boxer shorts, de-garter na korto, karaniwang suot niya araw-araw. Lara­wan siya ng isang karaniwang teenager nang maga­nap ang trahedyang tumul­dok sa kanyang buhay.

Natagpuan ng gabing ‘yun ng Agosto 16, 2017 na wala nang buhay si Kian. May tama ng bala sa butas ng tainga at sa likod nito, nakaluhod na nakasubsob sa puti­kan. Tanda na nagmakaawa ang bata sa tat­long (3) pulis na ang tungkulin ay magpanatili ang kapanatagan at kaayusan (peace and order) at hindi ang pumatay nang walang awa. Sana isinakay na lang siya sa mobile patrol at dinala sa barangay hall o presinto para im­bestigahan kung may ebidensiya.

Panay ang tawag at paabot ng men­sahe ng mga magulang ni Kian sa Public Attor­ney’s Office (PAO) na bigyan sila ng legal na tulong. Overseas Filipino Worker (OFW) si nanay at si tatay ay may munting tin­dahan sa harap ng kanilang bahay. May huling hi­ling si Kian sa kanyang mga magulang na ibili siya ng bisikleta. Pero, namatay siya na hindi nakamit ang hiling na halos dalawang (2) libong piso ang halaga.

Agosto 21, 2017 at ganap na alas-singko ng umaga nang pumunta sa Caloocan ang PAO Forensic Team. Naganap ang reautopsy roon dahil na-autopsy na raw ang labi ni Kian ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO). May dumating na grupo at kinukuha ang bang­kay ni Kian, pero hindi pumayag ang kanyang mga magulang. Dadalhin umano ang kanyang labi sa isang ospital at pag­ka­tapos ay may isasagawang parada. Sa ga­nu’ng sitwasyon, nanganib na muling ma­ging biktima si Kian.

Pinaslang siya nang walang kalaban-la­ban at kung nagtagumpay ang nagbalak na makuha ang kanyang bang­kay, ang walang buhay na si Kian ay lalong higit na walang kakayahang ipaglaban ang kanyang sarili at karangalan na huwag mag­mistulang bagay lamang na maaaring ipag­marangya sa parada.

Hindi naganap ang balak ng nasabing grupo dahil nanatiling buo at hindi ma­titibag ang paninindigan ng mga magulang ni Kian. Ang kanilang paninindigan na sinubok ng iba’t ibang hamon ay namalaging tapat sa kanilang minamahal na anak. Nang mapaslang si Kian, wala silang ibang hinangad kundi ang makamit ang hustisya, ‘yun lamang ang gusto nila.

Naging maingay ang bawat sektor ng lipunan, Simbahan, akademiya, mga kabataan at ang nakararaming Pilipino. “Hustisya para kay Kian!” ang sigaw nila. Nang araw ng libing ay dadalhin sana sa EDSA ang bangkay ni Kian. May karo nang nakahanda para rito, ngunit, hindi pumayag ang nanay at tatay niya. “Nandito ang mga miyembro ng VACC. Diretso po tayo sa sementeryo,” ang magiting na pagtutol nila na iparada sa EDSA ang ataul ng bata.

Naisampa ang kaso sa Department of Justice sa tulong ng PAO. Natapos ang preliminary investigation at naisampa sa korte ng Caloocan ang murder case at planting of drugs and weapon. Halos anim (6) na buwan na nagbista. Natapos ang bista sa malakas na pukpok ng malyeteng hukom sa huling pagkakataon para sa kasong ‘yun, simbolo ng pagbaba ng kanyang kapan sa mga pumaslang kay Kian “reclusion perpetua” sa tatlong pulis. Ang statement ng PAO ay naka­saad sa mga sumusunod na pangungusap:

“Criminal justice system works the justice stakeholders are operational. The Public Attorney’s Office (PAO) and the National Bureau of Investigation (NBI) filed a criminal char­ges of murder versus police officers involved in minor Kian Lloyd delos Santos before the Department of Justice (DOJ).

Preliminary investigation was conducted then, the government DOJ state prosecutors headed by SP Tofel Austria filed the cases at the Regional Trial Court of Caloocan. The DOJ state prosecutors actively presented evidence and witnesses. The PAO lawyers assisted the parents. RTC Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. promulgated the guilty verdict in the murder case this morning, November 29, 2018. Rule of Law, Justice and Truth, prevailed! Glory be to the Lord.”

Ang mga daing at iyak ni Kian mula sa kanyang hukay ay sinagot ng Diyos sa pamamagitan ng hatol ng hukuman.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page