Kuwartong puno ng ginto

Salaminin natin ang panaginip ni Chaka Doll ng Chaka_Doll@facebook.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na na4sa kuwarto akong puno ng ginto. Madilim daw du’n, pero mayamaya ay biglang nagliwanag dahil sa kintab ng mga alahas at lahat ay gawa sa gold. Ano ang kahulugan nito? Masama ba ang pangitaing ito?
Naghihintay,
Chaka Doll
Sa iyo Chaka Doll,
Wow, ang ganda naman ng iyong panaginip! Pero, ang tanong, maganda rin kaya ang ipinaaabot nitong mensahe para sa iyo?
Lahat ng tao ay gustung-gusto ang gold na ang sinisimbolo ay kayamanan. Kaya ang panaginip ay nagsasabing ang pangarap mo ay yumaman.
Magkakatotoo kaya ito?
Puwede, dahil ayon sa iyong panaginip, magdaratingan ang maraming oportunidad na puwedeng-puwede kang yumaman. Narito ang ilang kuwento ng buhay kung saan may makukuha kang aral.
May tinatawag na “manok na nangingitlog ng ginto.” Pagkatapos, ‘yung may-ari ng manok ay yumaman, kaya lang dahil ang tao ay nagiging gahaman sa ginto, nakalimutan niyang alagaan ang kanyang manok dahil wala siyang pinag-iinteresan kundi ang mga gintong itlog. Kaya sa huli, namatay ang kanyang manok nang siya ay sa mga gintong itlog lang nakatutok.
May puno na namumunga ng mga ginto, pero, ipinamalita ng taong nakatuklas nito sa kanyang mga ka-barangay ang nakita niya, kaya nilusob ng mga tao ang punong ang bunga ay mga ginto kung saan namatay ang puno.
May nakitang kuweba na punumpuno ng ginto. Kumuha ang nakakita ng mga ginto at inilagay niya ito sa malaking sako dahil nga siya ay tinalo sa pagiging gahaman sa kayamanan. Hindi naman niya mabuhat ang malaking sako ng ginto at sa kanyang pagtatangkang buhatin ito ay hindi niya kinaya, siya ay nadaganan at namatay sa mismong loob ng kuweba.
Kailangan ng tao ang mga materyal na bagay dahil nasusulat sa Banal na Kasulatan na “hindi lamang nabubuhay ang tao sa tinapay.” Kung tatanggapin ang kahulugan nito ay talagang kailangan natin ang tinapay o materyal na mga bagay.
Pero, may isa pa pala tayong kailangan bukod sa tinapay at ito ay ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. Ibig sabihin, kailangan natin ang tinapay, pero kailangan din nating isabuhay ang mga aral ni God.
Kaya, Chaka Doll, muli, bibigyan ka ng pagkakataong yumaman, pero huwag kang maging gahaman, pahalagahan mo ang mga biyayang dumarating sa iyong kapalaran.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments