ANO ANG MANANAIG, DOBLENG LAKAS O ANG PAGHIHIGANTI?


TATANGKAIN nang iuwi ng Ateneo de Manila Blue Eagles ang tropeo pabalik sa kanilang unibersidad habang sisikapin namang humirit pa ng kapitbahay nilang University of the Philippines sa Game 3.
Kaninong misyon ang magtatagumpay ay malalaman pagkatapos ng Game 2 ng Finals edition ng “Battle of Katipunan” ngayong hapon sa UAAP Season 81 Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Ang ikalawang sunod na tapatan ng defending champion Blue Eagles at Fighting Maroons para sa kanilang Finals series ay sisimulan ng alas-3:30 ng hapon kasunod ng Game 2 ng women’s finals sa pagitan ng National University at Far Eastern University ng alas-11:00 ng umaga. Nakahakbang palapit sa target nilang back-to-back titles ang Blue Eagles matapos gapiin noong Game 1 ang Maroons, 88-79 sa pamumuno nina Thirdy Ravena at Matt Nieto.
Pero sa kabila nito, inamin ni coach Tab Baldwin na kailangan pa nilang doblehin ang effort sa kanilang depensa ngayong Game 2 dahil tiyak nilang mas matindi ang gagawing pagbawi ng UP. “We can’t expect anything less on Wednesday from them. We have to expect a lot more from our defense on Wednesday,” pahayag ni Baldwin.
At halos ganito rin ang inihayag ng Maroons sa kabila ng natamong kabiguan. “Very positive ako. That’s the truth ,”ayon kay UP coach Bo Perasol. “Game 1, it gave us ‘yung idea na beatable yung Ateneo.
Before, wala namang nagbigay nang tsansa sa amin e. Dati, parang, Okay, very good, UP,” pero wala namang nagsasabing tatalunin namin ang Ateneo. Kung meron man, lip service lang ‘yun, pero ito, naramdaman nila na kaya pala.”
“Before this series, iniisip mo kung paano tayo mabubugbog dito. Ngayon, ang paniniwala na namin is we can compete with the defending champions if we put our minds into it and we keep doing what we have been doing this season,” dagdag pa nito.
“Masasabi ko lang ‘yung team namin gutom kaya hindi namin pakakawalan ‘yung chance na binigay sa amin ng Lord. Next game, babawi talaga kami,” wika naman ng isa sa graduating playmaker ng Maroons na si Jun Manzo na naniniwalang mangunguna sa kanilang pagbawi ang gaya niyang graduating nilang kapitan na si Paul Desiderio.
Halinhinang binantayan nina Thirdy Ravena, Mike Nieto, at Gian Mamuyac, nagtala lamang si Desiderio noong Game 1 ng 5 puntos, malayo sa kanyang average na 14.2 puntos. Gayunman, nakapagtala siya ng 8 assists at 6 na rebounds.
“Even if Paul was off na he had five points, he also had eight assists. The defense will always be on him so he did a good job of adjusting in looking for his teammates,”ayon sa isa pa nilang graduating guard na si Diego Dario. “Next game, you’ll see a better Paul for sure,” dagdag nito.
Pero kaparis ng sinabi ni Baldwin, paghahandaan ng Ateneo ng husto ang gagawing pagbawi ng UP at kabilang na rito si Desiderio. “We expect nothing short of his 100 percent, na gagawin niya lahat nang makakaya niya para sa community and for his team,” wika naman ni Ravena. “As a team, we just have to be ready and we have to make sure na kung ano man bibigay niya sa amin we’re ready for it.” Samantala sa pambungad na laban, tatangkain din ng 5-peat seeking Lady Bulldogs na walisin na rin ang finals series nila ng Lady Tamaraws upang maiuwi ng muli ang korona sa Bustillos. (VA)
Mga Laro Ngayon: Araneta Coliseum: 11 a.m. – FEU vs NU (Women); 3:30 p.m.-Ateneo vs UP





Comments