Pagpapahalaga sa kabanalan ng buhay, nakalilimutan na nga ba?
- BULGAR
- Dec 4, 2018
- 2 min read
ILANG taon na tayong naiimbitahan tuwing ika-30 ng Nobyembre na magmisa sa EDSA Shrine upang makiisa sa programang Cities of Light ng pamayanan ng San Egigio. Ang Cities of Light ang pandaigdigan pagdiriwang ng kabanalan at kahalagahan ng buhay sa harap ng patuloy na paggamit ng “bitay” ng iba’t ibang bansa upang parusahan at hadlangan ang sari-saring krimen. Nakalulungkot tingnan ang paglaganap ng pananaw na walang pagpapahalaga at pagkilala sa kabanalan ng buhay.
Sa mga nagdaang buwan, nasaksihan natin ang unti-unting pagpanaw at paglisan sa mundo ng kababatang lalaki. Sa maraming pagkakataon ng pag-uusap namin ng kaibigang maysakit na kanser, malinaw na handa na siyang bitawan at iwanan ang kanyang buhay para sa isa pang nakahihigit na buhay. Sa bawat yugto ng huling mga araw ng kanyang buhay, naroroon ang kanyang asawa at mga anak upang alalayan at palakasin ang kanyang loob sa hamon ng kamatayan. Hindi nawala ang kanyang mahal na pamilya sa kanyang tabi. Sa pagdalaw natin sa kanya sa bahay at sa ospital, naroroon ang kanyang asawa at mga anak na umaalalay sa pamamagitan ng dasal o simpleng presensiya, ang simpleng pagpapakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng tahimik at simpleng pagpaparamdam na “naririto ako para sa’yo.”
Napakarami pang halimbawa ng pagpapahalaga sa buhay ang maaari nating isalarawan.
Sa kabila ng pagpapahalaga at pagkilala sa kabanalan ng buhay, naroroon ang kalagayan at kapaligirang walang pagpapahalaga at walang pagkilala sa kabanalan ng buhay. Araw-araw sa pagsakay natin sa mga bus, taksi o dyip tuwing maririnig ang balita, walang nagbabago. Panay pag-uulat pa rin tungkol sa kampanya laban sa droga. Huli rito, huli roon. Patay dito, patay doon. Malinaw na hindi nauubos at hindi nalulutas ang problema ng droga sa pamamagitan ng karahasan at kalupitan. Araw-araw, iisa lang ang naturang “ulo ng mga balita” — droga.
Kakaibang kultura ito ng kamatayan, mas matindi kaysa sa paisa-isang pagbitay sa mga taong napan ng kamatayan at karamihan, walang maayos na paglilitis. Nakalulungkot na sa halip mag-alay at magbigay ng buhay sa kapwa, ang pagpatay sa kapwa ang nakasanayan at nagiging normal na.
Kailangang-kailangan ang pagbibigay, pagpapalaganap at muling pagkilala sa halaga at kabanalan ng bawat buhay. Ipagkaloob po Ninyo sa amin, Panginoon, ang maraming bayani ng buhay. Amen.
Comentarios