RAVENA AT NIETO, BUMIDA SA FINAL GAME 1 NG ATENEO


RUMATSADA sa 4th canto ang Ateneo de Manila sa pamumuno nina Matt Nieto at Thirdy Ravena upang tuluyang layuan at talunin ang University of the Philippines, 88-79 kahapon para makauna,1-0 sa Finals series para sa men’s division ng UAAP Season 81 Basketball Tournament sa MOA Arena.
Mula sa dikitang laban sa unang tatlong quarters na nagtapos sa iskor na 63-61, lamang ang Blue Eagles, umarangkada ang Blue Eagles sa 4th canto at ipinoste ang pinakamalaki nilang bentahe sa laro sa iskor na 87-73, papasok sa huling dalawang minuto ng laro matapos ang 3-pointer ni Nieto.
Nagtala ng kanyang bagong career best si Nieto na 27-puntos bukod pa sa 3 steals habang kinulang lang ng isang assist upang makapag-triple double si Ravena na tumapos na may 21 puntos at 10 rebounds bukod pa sa 9 na assists at tig-2 steals at blocks upang pamunuan ang panalo. Nanguna para sa Fighting Maroons na tila naubusan ng hangin sa dakong huli ng laban si Jun Manzo na nagtala ng 19 puntos, kasunod si Juan Gomez de Liaño na may 17 puntos.
Nag-ambag lamang ng 10 at 5 puntos sina Bright Akhuetie at Paul Desiderio ayon sa pagkakasunod.
Tatangkain ng Blue Eagles na tapusin na ang duwelo sa muli nilang pagtutuos sa Game 2 na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City sa Miyerkules.
Samantala, naka-sponsor daw si Manny Pacquiao sa UP at nangako siyang dadalhin niya sa Las Vegas ang buong team ng Fighting Maroons upang makapanood ng kanyang laban sa sandaling makuha nila ang korona. “My boss supports the UP Maroons. He just said he’ll sponsor the whole team to watch his upcoming fight in Vegas if they beat the Blue Eagles at this year’s UAAP finals,” ayon sa Instagram ni Wendell Rupert Alinea kahapon. Nauna rito, sa women’s division, isang panalo na lang ang kailangan ng National University matapos igupo ang Far Eastern University,71-59, kahapon sa Game 1 ng kanilang best-of-3 finals series.
Namuno si Jack Danielle Animam sa naturang panalo ng Lady Bulldogs sa itinala niyang 19 puntos, 12 rebounds at tig-5 assists at steals at 2 blocks. “Well, one game away from another championship. I’m just glad and happy that we won the game,” wika ni coach Pat Aquino. Nakalamang pa sa simula ang Lady Tamaraws bago ipinakita ng reigning MVP ang kanyang tunay na laro . “Naging rusty kami because we were away from competitive basketball for two weeks. We’re just happy that Jack came to play,” ayon pa kay Aquino. Pinangunahan ni Animam ang isinalansan ng Lady Bulldogs na 17-4 run upang burahin ang dalawang puntos na kalamangan at itayo ang 26-15 bentahe sa second quarter. (VA)
Mga laro sa Miyerkules: Araneta Coliseum: 11 a.m. – FEU vs NU (Women Finals) 3:30 p.m. – Ateneo vs UP (Men Finals)





Comments