top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Para sa mga hindi nagsasawang sumubaybay sa pahayagang BULGAR… TAOS-PUSONG PASASALAMAT MULA KAY MAES

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 2, 2018
  • 2 min read

Kahapon, ika-1 ng Disyembre, kumatok at pumasok sa computer room ang panganay kong anak na si Jesus King habang gumagawa ako ng artikulong ito, sabay bati sa akin ng “Merry Christmas, papa!”

Ang bilis ng panahon, ika-2 na pala ng Disyembre ngayon. Matatandaang, noong isang taon lang ay anibersaryo rin ng pahayagang BULGAR na ginanap sa “eat all you can” na restoran sa Makati.

Busog na busog ang lahat ng empleyado at may pabaon pang regalo. At ngayon ay heto na namang muli, birthday na naman ng inyong paboritong pahayagang BULGAR.

Hindi n’yo naitatanong, pero ‘wag n'yo nang itanong, alam n'yo ba na wala pa akong asawa at mga anak ay nasa BULGAR na ako, way back 1994? Noong mga panahong ‘yun, oo hindi pa ganito kaganda ang dating tanggapan ng pahayagang BULGAR.

Ang inabutan ko rito, noong dati ang opisina namin ay isang maliit na lumang bahay na parang bodega na napaliligiran ng malalaking makina ng imprenta at sa ikalawang palapag, pag-akyat sa hagdanang kahoy ay ang tanggapan ng patnugot at tagapaglathala. Ang bilis talaga ng panahon, ngayon ang dating lumang opisinang kahoy ay isa nang mataas na building.

Noong mga panahong ‘yun, sobrang lapit talaga sa puso ko ang pahayagang BULGAR, kaya sa tulong nina Ka Ambo at Pareng Pabs, nang kami ay ikinasal ni Winnie my love, kinuha kong ninang at ninong si Madam Nida at si Sir Rainer.

Lumaki at umunlad na talaga ang pahayagang BULGAR. Kasabay nito, dumami nang dumami pang lalo ang mga mambabasa nito, hindi lamang ng mismong pahayagang BULGAR kundi ng mga artikulo ng inyong lingkod tungkol sa pag-aanalisa ng kapalaran, tulad ng Kapalaran Ayon sa Iyong Palad at ang Kapalaran Ayon sa Iyong Numero na matutunghayan n’yo na rin sa aming website.

Halos hindi ko namalayan, 27 taon na pala ang lumipas, hindi lang ang pahayagang BULGAR ang lumalaki at lumalago, gayundin ang anak namin ni Winnie na dating isa ay naging apat na, ang aking panganay na si Jesus King, ang matalinong si Jacob Renz, ang bunsong si Jesse James at ang kaisa-isang babaeng si Regine Katherine.

Hindi maikakaila sa paglipas ng 27 taon, nagkaroon ng maraming blessings ang aming pamilya.

Nagkaroon ng maraming blessings ang pamilya ng BULGAR at ang bawat pamilyang itinuturing kong kapamilya ko na rin na tumatangkilik ng ating mga artikulo ay nagkaroon din ng maraming blessings.

Kaya mula sa aking puso, ipinaaabot ko ang personal kong pasasalamat sa lahat ng mga giliw kong tagasubaybay, nawa ay magkasama-sama pa rin tayo sa marami pang mga anibersaryo ng ating paborito at palaging sinusubaybayang, “Number One” sa Pamilyang Pinoy - ang pahayagang BULGAR.

Samantala, bago lumabas ng computer room ang aking anak, inabot ni Jesus King ang aking kamay upang magmano. Pinabaunan ko naman siya ng isandaang pisong papel, binati ko ng “Merry Christmas, King” at isang mahigpit na yakap na may habiling “palagi kang mag-iingat, anak at pagbutihin mo ang iyong pag-aaral!”

Sa pagkakataong ito, hayaan n’yong ipagkaloob ko rin sa ating mga giliw na tagasubaybay ang aking mainit na yakap ng pasasalamat na may kasamang pagmamahal.... “Merry Christmas at Happy 27th Anniversary po sa ating lahat!”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page